TUMAAS ang average farm-gate price ng palay hanggang noong ikalawang linggo ng Mayo ng 8.71 percent sa P20.97 kada kilo mula sa P19.29 kada kilo na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Gayunman, sa pinakahuling price monitoring ng PSA ay lumitaw na ang pinakabagong palay farm-gate price quotation ay kapareho lamang ng lebel ng sinundang linggo.
Sa datos ng PSA, ang P20.97-per-kilogram price level ang pinakamataas na naitalang average quotation para sa palay sa nakalipas na 32 buwan.
Sa reference period, mula Mayo 9 hanggang Mayo 15, naobserbahan ng PSA na ang pinakamataas na farm-gate quotation para sa palay ay sa South Cotabato sa P24 kada kilo.
Samantala, ang pinakamababang price level ay naitala sa lalawigan ng Romblon sa P18.5 kada kilo.
Lumilitaw na walang lalawigan na nagbebenta ng palay sa P17-per-kg price level, na kasalukuyang buying price ng National Food Authority (NFA).
Tumaas naman ang wholesale at retail prices ng regular-milled rice ng 0.19 percent at 0.37 percent, ayon sa pagkakasunod, mula sa price levels sa naunang linggo.
“The average wholesale price of regular milled rice this week was registered at P37.77 per kg. It poseted pricei ncreases of 0.19 percent from previous week’s level and 8.35 percent from a year ago quotation of P34.86 per kg,” wika ng PSA.
Sinabi ng PSA na ang retail price ng regular-milled rice hanggang noong ikalawang linggo ng Mayo ay umabot sa P40.19 kada kilo, na mas mataas ng 7.52 percent sa P37.38 na naitala noong nakaraang taon.
Bumaba naman ang wholesale price ng well-milled rice sa reference period ng 0.02 percent sa P41.12 per kg, mula sa P41.13 quotation noong naunang linggo. JASPER ARCALAS
Comments are closed.