PRESYO NG PALAY TULOY SA PAGSIRIT

PATULOY sa pagtaas ang average farm-gate price ng palay sa pagsisimula ng Mayo kung saan pumalo ito sa halos 32-month high na P20.96-per-kilogram (kg) price level sa gitna ng record-high harvest sa unang tatlong buwan ng taon.

Sa pinakabagong price monitoring report ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang kasalukuyang average farm-gate palay quotation ay mas mataas ng  1.21 percent kumpara noong nakaraang linggo.

Ayon sa PSA, ang numero na naitala simula Mayo 2 hanggang Mayo 8 ay mas mataas ng 9.05 percent kumpara sa P19.22 per kg na naitala noong nakaraang taon.

Sa datos ng PSA, ito ang pinakamataas na average farm-gate price ng palay magmula nang maitala ang P20.91-per-kg price level noong ikatlong linggo ng September 2015,  nang bumaba ang produksiyon ng palay sa bansa dahil sa El Niño.

Sa naturang taon, ang rice output ay bumaba ng 4.31 percent sa 18.14 million metric tons (MMT), mula sa 18.96 MMT na naitala noong  2014.

Bukod dito, ang P20.96-per-kg quotation hanggang sa unang linggo ng Mayo ay P0.04 centavos lamang ang diperensiya sa P21-per-kg level.

Ang huling pagkakataon na umabot ang average farm-gate price ng palay sa  P21-per-kg level ay noong ikalawang linggo ng September 2015 nang maitala ito sa P21.01 per kg.

Ayon pa sa PSA, mula Mayo 2 hanggang Mayo 8, ang pinakamataas na average farm-gate price ng palay ay naitala sa Nueva Ecija sa P25.15 per kg, habang ang pinakamababa ay naiposte sa Romblon at Compostela Valley sa P15 per kg.  JASPER ARCALAS