PRESYO NG PALAY TUMAAS PA

Palay

SUMIPA ang average farm-gate palay quotation ng bansa hanggang noong ikalawang linggo ng Hulyo ng 11.17 percent sa P21.60 kada kilo na isang all-time high, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang naunang record-high average quotation ng palay ay naobserbahan sa huling linggo ng Hulyo hanggang unang linggo ng Agosto 2014 sa P21.53 kada kilo.

Ang pinakabagong average farm-gate price ng palay ay mas mataas ng 0.47 percent sa P21.50 na naitala sa pagsisimula ng lean season ng bansa, kung kailan kaunti ang produksiyon ng bigas.

Sa reference period nito na mula Hulyo 11 hanggang Hulyo 17, naob­serbahan ng PSA na ang pinakamataas na presyo ng palay quotation ay naitala sa South Cotabato province sa P25.08 kada kilo, habang ang pinakamababa ay sa Compostela Valley sa P18 kada kilo.

Sa nasabing reference period, lumitaw sa datos ng PSA na ang average wholesale price ng well-milled rice ay umabot sa P42-per-kg price level kung saan tumaas ito ng 7.81 percent sa P42.09 average quotation.

“At the retail trade, the average price of well-milled rice at P44.81 per kg picked up by 0.27percent from previous week’s level. Relative to the price in the same period of the previous year, it went up by 7.05 percent,” sabi ng PSA sa weekly price monitoring report nito.

Ang wholesale at retail prices ng regular-milled rice ay sumirit din sa ikalawang linggo ng Hulyo.

“The average wholesale price of regular milled rice of P38.80 per kg this week recorded an increment of 0.28 percent from P38.69 per kg in the previous week,” pahayag ng PSA. “Relative to a year ago level of P35.32 per kg, it likewise moved up by 9.85 percent.”

Ang average retail price ng regular-milled rice ay tumaas ng 8.91 percent year-on-year sa P41.21 kada kilo. Mas mataas din ito ng 0.34 percent sa average quotation na P41.07 kada kilo na naitala sa naunang linggo.          JASPER ARCALAS

Comments are closed.