PRESYO NG PATIS, KAPE AT GATAS TATAAS SA SUSUNOD NA LINGGO—DTI

DTI

INIHAYAG ng Department of Trade and Industry (DTI) na kanilang ipatutupad sa susunod na linggo ang pagtataas ng presyo ng patis, kape at gatas.

Ayon sa DTI ang pagtataas ng presyo ng mga naturang commodities ay isasagawa sa susunod na linggo matapos na ito ay maaprubahan base na rin sa kahilingan ng mga manufacturer.

Ayon kay Ruth Castelo, DTI Undersecretary for Consumer Protection, pinag-aralan nilang mabuti bago magpatupad ng pagtaas ng presyo ng mga nasabing commodities.

Base sa report ng DTI ay nasa P0.50 hanggang P2 taas-presyo sa kada lata ng gatas ng mga brands ng Alaska, Alpine, Carnation, Cow Bell, at Liberty at P0.50 hanggang P0.80 sa presyo ng patis at P1 kada pakete ng kape.

“Pinag-aaralang mabuti ng DTI ang pagtataas and we make our own research para masiguro natin ‘yung mga reason nila for increase. Kung justified sila, we approve it,” ani Castelo.

Aniya, ang epektibo ng taas-presyo ng mga naturang commodities ay 15 araw matapos mailathala ng DTI ang updated suggested retail prices (SRP) sa mga pahayagan.

Matatandaang pina­yagan ng DTI ang mga manufacturer kamakailan sa pagtaas ng presyo ng nabanggit na basic commodities.

Subalit mariin namang binatikos ng consumer group na “Laban Consumers” ang ginawa ng DTI na itaas ang presyo ng kape, gatas at patis na walang konsultasyon sa consumers.

Gayundin, ang pananamantala ng ilang mga negosyante na nagtaas nang presyo sa kabila ng hindi pa ipinatutupad ng DTI ang bagong SRP hangga’t hindi pa ito nailalathala sa mga pahayagan sa loob ng 15 araw bago ito ganap na ipatupad.         MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.