MAY panibagong pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Ito na ang ika-siyam na sunod na linggo na may oil price increase.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., tataas ng P0.90 ang presyo ng kada litro ng gasolina, P0.80 sa kada litro ng diesel, at P0.75 sa kada litro ng kerosene.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.
Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4 ng hapon ng kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Peb. 22, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.80, diesel ng P0.65, at kerosene ng P0.45.
Sinabi ng Department of Energy (DOE) na inaasahang tataas pa ang presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa limitadong output at sa nagpapatuloy na krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.
Sa datos ng DOE, ang year-to-date adjustments ay may total net increase na P7.95 kada litro para sa gasolina, P10.20 kada litro sa diesel, at P9.10 kada litro sa kerosene. LIZA SORIANO