PRESYO NG PETROLYO PATAAS NANG PATAAS

PETROLYO

AYAW paawat ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa isang advisory, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. na simula ngayong Martes, Setyembre 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P0.20, diesel ng P0.40, at kerosene ng P0.20.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Ang taas-presyo ay epektibo sa alas-6 ng umaga para sa Shell at alas-4:01 ng hapon para sa Cleanfuel.

Noong nakaraang Martes, Setyembre 5, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.50, diesel ng P1.20, at kerosene ng P1.10.

Ito na ang ika-9 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-10 na sunod para sa diesel at kerosene.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Setyembre 5, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P15.30 kada litro, diesel ng P10.70 at kerosene ng P7.74 kada litro.