PRESYO NG PETROLYO PATAAS NANG PATAAS

petrolyo

MULING sasalubungin ang mga motorista ng big-time oil price hike ngayong araw, Enero 25, para sa ika-4 na sunod na linggong pagtataas.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na itataas nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.45, diesel ng P1.90, at kerosene ng P1.70.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Ito ang ika-4 na sunod na linggo na ang presyo ng isang petrolyo ay tumaas ng mahigit sa P1 kada litro.

Epektibo ang dagdag-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng taas-presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Sa datos ng  Department of Energy (DOE), hanggang noong January 11, 2022, ang year-to-date adjustments ay may total net increase na P2.60 kada litro para sa gasolina, P3.50 kada litro sa diesel, at P2.74 kada litro sa kerosene.

Noong 2021, ang net increase ng gasolina ay nasa P17.65 kada litro;  diesel, P14.30 kada litro; at kerosene, P11.54 kada litro.