INILABAS ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Gabay sa Pamimili ng School Supplies, kung saan ilang items ang tumaas ang presyo.
Saklaw ng price guide ang iba’t ibang brands ng notebooks, pad paper, lapis, ballpen, pambura, pantasa, at rulers.
Hanggang July 25, ang presyo ng notebooks ay naglalaro sa P23 hanggang P52, depende sa brand at specification.
Mas mataas ito sa P17.50 hanggang P37.75 presyo ng notebooks mula sa price guide noong August 2022.
Ang presyo ng Grades 1-4 pad paper ay nasa P21 hanggang P28, mas mataas kumpara sa dating presyo na P6.50 hanggang P24.
Nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng intermediate pad paper, na nagkakahalaga ngayon ng P31 hanggang P48.75.
Tumaas din ang presyo ng writing materials — mula P11 sa P17 para sa lapis, at P9.25 sa P19 para sa ballpens.
Samantala, ang presyo ng pambura ay naglalaro sa P4.50 hanggang P20, habang ang pantasa at rulers ay nagkakahalaga ng P18 hanggang 69 at P22 hanggang P27.75, ayon sa pagkakasunod.
Nasa P12 hanggang P95 naman ang presyo ng crayons.
“While prices of some products have remained unaffected by recent market trends, other school supplies saw price increases. This is primarily due to increased global cost of basic raw materials,” wika ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo sa isang statement.
Sinabi ng DTI na nakikipag-ugnayan ito sa mga manufacturer upang matiyak na ang presyo ay “reasonable” at ang suplay ay sapat sa merkado.