(Presyo ng sibuyas, bigas at iba pang basic commodities mino-monitor) SPEAKER ROMUALDEZ NAG-SURPRISE INSPECTION SA 2 PAMILIHAN SA QC

BIGLAANG  ininspeksiyon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang dalawang malalaking merkado sa Quezon City kahapon upang i-monitor ang presyo ng sibuyas, bigas at iba pang pangunahing pangangailangan.

Ang surprise inspection ay isinagawa ng lider ng Kamara, kasunod ng mga ulat na muling sumisikad pataas ang presyo ng mga ito sa ilang lugar.

Sa isang ambush interview sa Commonwealth Market sa Fairview, Quezon City, sinabi ni Romualdez na nais niyang malaman ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng sibuyas, bigas, bawang at iba pa.

“Kaya andito tayo may mga ulat na tumataas na naman ang mga presyo kaya tinatanong natin dito sa mga nagtitinda ng sibuyas, bigas at bawang kung ano talaga ang dahilan bakit tumataas,” anang mambabatas.

Bago bisitahin ang Commonwealth market, si Romualdez ay sinamahan nina ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo at Edvic Yap, para bisitahin ang Mega QMart sa Cubao, Quezon City.

Binalaan din ni Romualdez ang mga hoarder ng mga basic commodities sa posibleng prosekusyon.

Sinabi pa ni Romualdez na isinagawa nila ang inspeksiyon upang bigyan ng babala, hindi lamang ang hoarders, kundi maging ang mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), at iba pang concerned agencies, na istrikto nilang minumonitor ang presyo sa mga pamilihan.

Dagdag pa niya, “Gusto naming malaman nila na binabantayan natin, kasi baka akala nila porke’t maraming nangyayari sa West Philippine Sea baka nakakalimutan natin ang isyu na ito. Hindi natin makakalimutan ito hindi natin pababayaan ito kasi ayaw nating mangyari ‘yung kagaya nu’ng nakaraang taon na pumalo at sumipa ang bilihin dito lalo na sa sibuyas. Kaya bigla na lang nagkaroon ng shortage daw.”

“Kaya sa mga hoarders sana naman wag nyo namang itago. Ilabas na lang yan,” aniya. “Huwag abusuhin at tutuluyan namin sila.”

Inamin ni Romualdez na base sa monitoring, bahagyang tumaas ang presyo ng basic commodities dahil sa pagtaas ng presyo sa world market.

“Nakita natin sa world market talaga may effect, pero syempre kailangan i-secure natin yan. At syempre binabantayan din natin at dapat ding alagaan natin yung mga magsasaka natin na dapat ay tamang presyo at anong klaseng suporta ang maibibigay sa kanila,” anang House Speaker.

“At kung ubos na ang ating production dapat ay merong reserve supply na galing sa Vietnam, Thailand o India. Gusto natin wag mag runaway ang presyo,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Una nang nanawagan si Romualdez ng “renewed campaign” upang pababain ang presyo ng sibuyas sa merkado, kasunod ng monitoring reports na aktibo na naman ang mga hoarders sa pagmanipula ng presyo nito.

Inatasan rin ng Speaker ang mga opisyal ng Bureau of Plant and Industry (BPI) na magreport sa kanya at iba pang lider ng Kamara at magpaliwanag kung paanong nagagawa ng mga hoarders na manipulahing muli ang presyo ng sibuyas.