PRESYO NG SIBUYAS HALOS DUMOBLE NGAYONG DISYEMBRE

SIBUYAS

HALOS doble ang itinaas ng presyo ng sibuyas at siling labuyo habang papalapit ang Pasko.

Ayon sa isang mamimili, madaling araw pa lang nitong Biyernes, tiyagaan na siya sa pag-iikot sa night market sa Divisoria para makahanap ng murang presyo ng pulang sibuyas.

Nasa P130 hanggang P140 kasi ngayon ang bentahan nito mula sa P70 hanggang P80 bago ang holiday season.

Kaya imbes na pulang sibuyas lang ang gamit, hinahaluan na niya ng puting sibuyas ang panggisa.

“Adjust lang din sa paggamit ng mga rekado… Mixed din talaga ako. Kaunting pula, kaunting puti,” aniya.

Ayon sa mga nagtitinda, kaunti na ang ibinabagsak sa kanilang suplay ng sibuyas mula Nueva Ecija kaya tumaas na ang presyo nito sa mga pamilihan.

Sa datos ng Department of Agriculture-Surveillance Monitoring and Enforcement Group (DA-SMEG), tumaas nang 54.4 porsiyento ang retail price ng pulang sibuyas ngayong Dis­yembre kumpara noong Nobyembre.

Hanggang Enero pa kasi ang lean months ng pulang sibuyas.

“Kaunti po kasi talaga pag ganitong malamig ang panahon,” sabi ng isang tindera.

“Paubos na. Marami na ngang bulok eh,” ayon pa sa isang vendor.

Bukod sa sibuyas, sumipa rin sa P400 hanggang P500 ang kada kilo ng siling labuyo na da­ting naglalaro lang sa P200 kada kilo.

Kaya dahil magpa-Pasko at karaniwang sangkap ang mga ito, kanya-kanya munang diskarte ang mga wais na mamimili para makati­pid.

Sa isang karinderya, tipid din sila sa paggamit ng sibuyas.  Imbes na kada piraso ng siling labuyo ang ibigay sa mga kostumer, gumagawa na lang sila ng chili oil para makatipid sa konsumo.

“Dati dalawang piraso sa isang putahe, nga­yon gagawin naming isa na lang para makatipid,” sabi ng may-ari ng karinderya.

Nananatiling ma­taas ang demand sa sibuyas sa mga pamilihan at posibleng bumalik ito sa normal na pres­yo pagkatapos ng lean months sa susunod na buwan.

Wala namang paggalaw sa presyo ng bawang na P100 pa rin kada kilo.

Comments are closed.