SUMIPA ang presyo ng mga gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila matapos ang pananalanta ng mga nagdaang bagyo.
Sa Marikina Public Market ay pumapalo na sa P550 ang kada kilo ng siling labuyo at siling haba, na dati ay pumapatak lamang sa P80 hanggang P100 kada kilo.
Nagmahal din ang ilan pang mga gulay sa kaparehong pamilihan tulad ng ampalaya na mula sa P80/kilo ay P180/kilo na ngayon; repolyo at petsay na mula P60/kilo ay naging P120/kilo; at patatas at talong na ngayo’y nasa P110/kilo.
Ayon sa mga tindera sa Marikina Public Market, hindi sapat ang suplay ng gulay kaya tumataas ang presyo ng mga ito.
Samantala, nasa P400 kada kilo naman ang presyo ng siling labuyo sa Balintawak Market, na dati’y nasa P80 hanggang P100 kada kilo lamang.
Ang iba pang gulay sa Balintawak Market na sumipa ang presyo ay siling pansigang na mula sa P60 hanggang P80/kilo ay P500/kilo na ngayon; carrots, mula sa dating P40 hanggang P50/kilo ay P120/kilo na; sayote na tumaas sa P50/kilo mula P20/kilo; kangkong na mula P5/bundle ay P10/bundle na ngayon; patatas na mula sa P40/kilo ay P60/kilo na; at calamansi, mula sa P30/kilo ay naging P40/kilo.
Magugunitang maraming mga sakahan at pananim sa Central at Northern Luzon na pinanggagalingan ng mga suplay ng gulay ang si-nalanta ng mga nagdaang Bagyong Rolly at Ulysses. DWIZ 882
Comments are closed.