POSIBLENG tumaas ang presyo ng ilang specialty bread sakaling lumaki ang demand nito sa Pasko, pahayag ng isang samahan ng mga panadero nitong Linggo.
Ayon sa Filipino-Chinese Bakery Association, hindi raw maihahalintulad ang specialty bread sa Pinoy tasty, o sliced bread, at Pinoy pandesal — na sinisikap ipako ng mga manufacturer sa kasalukuyan nitong mga presyo hanggang matapos ang taon — dahil ang mga ito ay mga pangmasang tinapay.
Ayon pa sa asosasyon, nakabatay raw kasi talaga ang presyo ng specialty bread sa demand, at kadalasan ay mataas ang demand para rito tuwing holiday season.
“Tumataas ‘yong mga, like ‘yong mga artisan bread, specialty bread like croissant… Those are medyo high-end bread that the price is more or less, flexible,” sabi ni Peter Fung, pangulo ng Filipino-Chinese Bakery Association.
Nanawagan naman ang isang samahan ng mga community baker o maliliit na panadero ng suporta mula sa pamahalaan at mga manufacturer ng raw materials gaya ng flour millers.
Hindi raw nila matiyak na hindi magtataas ang presyo ng kanilang mga tinda dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.
“Lalo na po iyong maliliit, kung sila po ay may kagustuhan na galawin ang kanilang presyo, hindi po natin sila kayang pigilin,” ani Chito Chavez ng Philippine Federation of Bakers.
“Kinakailangan din po natin protektahan ang interes ng mga gumagawa nito,” dagdag ni Chavez.
Ayon sa mga panadero, makatutulong sa kanila ang pagbaba ng presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay gaya ng asukal at harina.
Hati naman ang opinyon ng mga mamimili sa isyu ng pagtaas ng presyo ng tinapay.
“Malaking epekto sa amin, lalo na sa aming mga nagtatrabaho lang na hindi naman tumataas ang suweldo,” sabi ng isang kawani.
Comments are closed.