PRESYO NG TNVS KAILANGANG SIYASATIN

MALAKI ang papel na ginagampanan ng transportasyon sa ating buhay dahil kailangan natin ito upang makarating mula sa ating bahay patungo sa lugar ng trabaho at iba pang lugar na nais o kailangang puntahan.

Sa madaling salita, maituturing na kabilang ang transportasyon sa mga pangunahing pangangailangan kaya naman hindi kataka-takang isa ito sa mga pinaglalaanan ng badyet ng mga nanay at ng ibang mga indibidwal.

Ngayong halos patapos na ang pandemya at bumabalik na sa normal na takbo ang ating buhay, ang lahat ay nakatutok na sa muling pagpapalago ng ekonomiya. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na isa sa mga katangian ng maunlad na bansa ay ang pagkakaroon ng sistemang transportasyon na hindi lamang episyente kundi abot-kaya ng mga komyuter.

Malaki pa ang kailangang habulin ng Pilipinas pagdating sa pagkakaroon ng mahusay na sistema ng transportasyon kumpara sa mga mauunlad na bansa gaya ng Singapore at Japan. Bukod sa kakulangan ng imprastraktura na pinagsusumikapang tugunan ng kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ng proyekto nitong ‘Build Better More’, isa rin sa mga pasakit ang presyo ng transportasyon sa bansa partikular na ang Transport Network Vehicle Service o TNVS na gaya ng Grab.

Buti na lamang at mayroong mga sangay ang pamahalaan na nagbabantay sa kapakanan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsiguro na mananatili ang kompetisyon sa merkado sa iba’t ibang industriya, kabilang ang transportasyon, tulad ng Philippine Competition Commission (PCC). Kung babalikan, noong Marso ng nakaraang taon ay inutusan ng PCC ang Grab na agad ibigay ang refund sa mga Grab user na nagkakahalagang P19.3 milyon matapos mapag-alaman na maliit na halaga lamang ang naisauli nito mula sa mga nakaraan pang refund.

Sa kabila nito, halos isang taon na ang nakalilipas, hindi pa rin sumusunod ang Grab sa kautusang ito ng PCC dahilan kung bakit maaari nanamang mapatawan ng bagong parusa ang kompanya. Ayon kay PCC-OIC Director Ivy Medina, nasa 70% pa lamang ang naibabalik ng Grab sa mga user nito. Kung sakaling papatawan ng panibagong multa ang kompanya, hiwalay pa ito sa P40 milyon na nais kolektahin ng PCC mula sa Grab bilang parusa sa hindi nito pagsunod sa ipinangakong pagbabago ukol sa presyo.

Tila Grab ang isa sa mga sakit sa ulo ng PCC. Ang naturang kompanya ang dahilan kung bakit hinihiling ng ahensiya sa Kongreso na mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga probisyon sa ilalim ng Philippine Competition Act. Ito, anila, ang solusyon upang supilin ang mga hakbang ng mga kompanya na patungo sa pagiging isang monopoly. Sinegundahan naman ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na dating PCC chair sa mga nakaraang pagdinig na ginawa sa Kongreso.

Bilang chairman ng public services committee sa Senado, tinututukan din ni Senator Grace Poe ang isyung ito. Sa kasalukuyan kasi, maituturing na monopoly ang Grab kung industriya ng TNVS ang pag-uusapan. Bunsod nito, tila walang ibang pagpipilian ang mga tao kaya’t kahit mataas ang presyo ng Grab, mayroon pa ring gumagamit nito. Sa laki ng kapasidad ng Grab at sa lawak ng operasyon nito, malaki talaga ang posibilidad na ito ang manguna sa sektor ng transportasyon. Kung inyong maaalala, naging usapin din ang pagpasok nito sa operasyon ng motorcycle taxi sa pamamagitan ng pagkuha sa Move It.

Dahil sa mga nabanggit na dahilan kaya tila ganoon na lamang kung magtaas ng presyo ang Grab. Nakalulungkot na tila wala itong pakialam sa mga pasahero dahil alam nilang wala silang ibang kakompetensya sa serbisyo. Sa katunayan, ayon sa mga nakaraang pagdinig, kahit maikli ang biyahe, mataas pa rin ang pamasahe na sinisingil nito sa mga pasahero. Sa paliwanag ng Grab, sadyang ganito ang kanilang sistema para sa mga maiikling biyahe upang maiwasan ang mga ganitong uri ng booking. Sa aking personal na opinyon, hindi ito makatarungan lalo na ngayong marami sa atin ang nasa proseso pa ng pagbangon mula sa naging epekto ng pandemya.

Kasabay ng pagtatapos at pagbubukas ng mga bagong imprastrakturang pang-transportasyon ay ang inaasahang pagtatapos ng diumano’y overcharging ng Grab dahil kung magkakaroon na ng episyenteng sistema at ruta ng mga tren sa bansa at kung gagaan na ang daloy ng trapiko lalo na sa Metro Manila, mas mahihikayat na ang mga komyuter na gumamit na lamang ng ibang paraan ng transportasyon upang makaiwas sa mataas na presyo ng serbisyo ng Grab. Nakagagaan naman ng kalooban na malaman na habang wala pang sapat na pagpipilian ang mga mamamayan, nariyan ang PCC at iba pang mambabatas na nagsusulong ng kapakanan ng mga komyuter sa bansa.