NGAYONG inianunsiyo na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pag-iral ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa buong Metro Manila kasunod ng deklarasyon ng state of calamity ng Metro Manila Council (MMC) dahil sa pananalasa ng bagyong Carina at ng southwest monsoon o Habagat, walang dahilan ang mga tiwaling negosyante para manamantala sa sitwasyon.
Pinoproteksiyunan ng price freeze ang mga mamimili laban sa walang patumanggang pagtaas ng presyo na maaring samantalahin ng mga tiwaling negosyante ngayong maraming kababayan natin ang nasalanta ng baha.
Kasama sa price freeze ang essential goods: bigas, mais, tinapay, sariwang gulay, roots crops, pork, beef, poultry, itlog, gatas, kape, asukal, mantika, asin, laundry soap, detergent, firewood, charcoal, kandila, at ilang gamot.
Sa panahon na higit na kailangan ng mga nasalantang mamamayan ang tulong para makabangon sa baha at kalamidad, higit dapat na paigtingin ng DTI ang pagbabantay sa presyo ng bilihin.