SA PAGBUBUKAS ng 18th Congress ay inihain natin ang House Bill 5516 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act para mapigilan ang maagang pagbubuntis ng mga menor de edad na kababaihan. Ito’y naglalayong magkaroon ng komprehensibo at naaangkop sa edad na pagtuturo ng sex education para sa mga kabataang Filipino upang maiwasan ang maagang pagdadalang-tao.
Batay sa pag-aaral ng United Nations Population Fund (UNPF), may 9.7 milyong kababaihan ang may edad 10 hanggang 19 kung saan pagsapit ng 19-anyos, isa sa lima sa kanila ay nagiging ina.
Nangyayari ang maagang pagbubuntis hindi lamang dahil pinili nila ito kundi dahil sa kawalan ng edukasyon, impormasyon at pangangalaga ng kalusugan. Dahil dito ay naging laganap sa iba’t ibang lipunan ang adolescent pregnancy.
Kaya mahalagang ibalik ang pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral sa sekondarya para magabayan ang mga kabataan sa bawat hakbang na kanilang tinatahak, gayundin sa paggawa ng mga desisyon sa buhay. Hangad natin na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante na nasa hustong gulang kung ano ang tama at mali, kumilos nang naaayon at kung paano tumanggi sa posibleng pang-aabuso ng mga taong mapagsamantala.
Ang edukasyon ukol dito ay dapat nagsisimula sa loob ng tahanan bago ipagpatuloy sa paaralan para sa mga mag-aaral na karaniwang nalalantad sa maseselan at sensitibong karanasan o impormasyon tungkol sa pagtatalik.
Ang mga magulang kasi ang unang nakaaalam kung kaya nang maintindihan ng mga anak ang usapin tungkol dito at dapat matiyak ng mga magulang na tama ang kanilang kaalamang ibabahagi sa mga bata.
Ang sex education ay pag-aaral tungkol sa seksuwalidad ng tao, kabilang ang kalusugan, relasyon, pakiramdam, responsibilidad, bahagi ng katawan, sexual reproduction, sexual activity, age of consent, reproductive rights, birth control at pagpipigil sa pagtatalik.
Bukod sa maagang pagdadalang-tao, isa rin sa mahahalagang maituro sa mga mag-aaral ay kung paano makaiwas sa mga nakahahawang sakit tulad ng AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) na dala ng HIV (Human Immunodeficiency Virus) na nakukuha sa pakikipagtalik.
Lahat ng ating mga nabanggit ay nakapaloob sa isinusulong nating batas para maiwasan ang anumang problema o kapahamakan sa mga kabataan dahil sa kakulangan at kawalan ng kaalaman tungkol sa sex education. Dapat ay magabayan natin sila sa tamang landas para sa katuparan ng kanilang mga pangarap.