MALAWAKANG kampanya kontra droga na kinabibilangan ng education and awareness program ang isa sa mga kailangan upang masugpo ang paglaganap ng illegal drugs use sa mga kabataan.
Pahayag ito ni Senador Sonny Angara makaraang lumutang ang plano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga paaralang pang-elementarya, na agad namang tinutulan ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa DepEd, malinaw na paglabag sa batas ang layunin ng PDEA sapagkat tanging ang mga estudyante sa sekondarya at kolehiyo lamang ang inaatasang sumailalim sa drug test. Ayon pa sa ahensiya, gugugol ng napakalaking halaga ang gobyerno sa planong ito ng PDEA.
Binigyang-diin ni Education Secretary Leonor Briones na ang tanging direktiba ni Pangulong Duterte ay palawakin ang school curriculum sa mga paaralan upang maimulat ang mga bata sa masamang epekto ng mga bawal na gamot sa kalusugan at isipan ng mga tao.
“Sumusuporta tayo sa laban ng gobyerno kontra ilegal na droga lalo na ang layunin nilang gawing bahagi ng edukasyon ang paglaban dito. Kung ang mga batang mag-aaral ay may sapat na kaalaman tungkol sa napakasamang epekto ng droga, malaki ang tsansa na maililigtas natin sila sa posibleng pagkalulong dito hanggang sa kanilang pagtanda,” ayon kay Angara.
Kaugnay nito, isang panukalang batas ang isinusulong ng senador, na naglalayong magsagawa ng education and awareness program kontra illegal drugs na ipatutupad ng DepEd. Ang programang ito ay ipapaloob sa K12 curriculum sa lahat ng public elementary at high schools sa buong bansa.
Nakasaad din sa panukala ng senador ang pagtatatag ng nationwide helplines na siyang magre-refer ng rehab centers sa mga biktima o sa pamilya ng mga ito na hihingi ng tulong para sa kanilang mga kaanak na lulong sa bawal na gamot.
“Liban sa layunin nating mabilanggo ang mga pusher, dapat may kaakibat ding programa ito na ‘save the user’ para mailigtas pa ang buhay ng drug addicts. Dapat ay mapaigting natin ang hakbang na magpapabago sa kanilang buhay,” ayon pa sa senador.
At para naman aniya sa mga out of school youth na nasa rehab centers, dapat silang isailalim sa Alternative Learning System programs. VICKY CERVALES
Comments are closed.