(Preventive evacuation isinagawa) MAGAT DAM NAGPAKAWALA NG TUBIG

Magat Dam

NAGSAGAWA ng preventive evacuation ang  pamahalaang lokal ng Tuguegarao sa mga residenteng nasa low-lying areas sa Barangays Linao at  Annafunan sa posibleng pagbaha dahil sa muling pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam kahapon bunsod ng walang tigil na pag-ulan.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC),binalaan ang mga residente sa ilang lugar sa Hilagang Luzon sa posibleng pagbaha nang magpakawala ng tubig ang Magat Dam na tinuturong  isa sa mga dahilan ng matinding baha sa Cagayan at Isabela kamakailan.

Ayon sa National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), posible ang pagtaas ng tubig o pagbaha partikular na sa mga bayan ng Gamu at Aurora sa Isabela, matapos magkasunod na magbukas ng dalawang spillway gate ang dam.

Nitong Biyernes nang magbukas ang unang spillway gate ng Magat Dam kung saan pinakawalan ang nasa 393 cms ng sobrang tubig. Isang gate naman ang binuksan ng alas-8 kahapon ng umaga para mag-release ng  nasa 179 cubic meters per second o katumbas sa 895 drums ng tubig.

Sa Notice of Dam Discharge Warning Operation ng NIA-MARIIS na ipinalabas ng ala-5 ng umaga ng Sabado, ang spillway radial gate number 3 ay nakabukas ng 1 metro. Itinaas ito sa 2 metro ng alas-9 ng umaga para makapagpakalawa ng 393 cms o katumbas ng 1,965 drum ng tubig.

Sa kabuuan, aabot sa 786 cms o katumbas ng 3,930 drum ng tubig ang water discharge sa dam mula sa dalawang bukas na gate.

Paliwanag  ng NIA-MARIIS, layon nito na maiwasang umabot sa critical level  ang dam lalo’t patuloy ang pagbaba ng tubig mula sa water-shed areas na nakakaranas ng pag-ulan.

Alas-6 ng umaga ng Sabado nang maitalang nasa 189.2 meters above sea level ang tubig sa Magat Dam, halos apat na metro na lang ang agwat sa spilling level na 193 meters.

Base sa Hydrological forecast ng PAGASA Sabado ng umaga, nasa “above alert level” ang Upper Cagayan basin area kasama ang tributaries ng Ganano at Magat na kung saan posible ang pagbaha.

Ang Magat River ay major tributary ng Cagayan River. VERLIN RUIZ

Comments are closed.