PREVENTIVE SUSPENSION NG OMBUDSMAN SA NIA CHIEF, PINALAGAN

MARIING pinalagan ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda ang ipinataw na preventive suspension sa kanya ng Office of the Ombudsman.

Ito ay sa kabila ng pagsusumikap ni Antiporda na linisin ang sinasabing matagal nang sindikatong bumabalot sa ahensiya.

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Antiporda na bagamat tanggap niya at handa niyang sundin ang minadaling kautusan ng Ombudsman hinggil sa kanyang kaso, nanawagan itong tingnan din ang kanilang naunang naisampang kaso laban sa ilang tiwali sa NIA.

Napag-alamang marami ang nagduda kung bakit naging mabilis ang pagpapalabas ng suspensyon gayong wala man lamang natatanggap na complaint affidavit ang kampo ni Antiporda na naisampa sa Ombudsman.

“Wag naman sana yurakan at magpagamit ang Ombudsman sa ilang tao (sindikato) na ito, dapat tulungan ng Ombudsman ang NIA laban sa katiwalian,” wika ni Antiporda.

Sinampahan kamakailan si Antiporda ng ilang opisyal ng NIA ng kasong administratibo na kinabibilangan ng grave misconduct, conduct, prejudicial to the best interest of the service, harassment, ignorance of the law at oppression.

Mariing pinabulaanan at sinagot ni Antiporda ang mga paratang ng mga nagrereklamong sina Lloyd Allain Cudal, Michele Gonzalez Raymundo at ilang concerned employees umano ng NIA kasama ang NIA Employees Association of the Philippines (NIAEASP).

Nagpalabas agad ng pahayag ang NIAEASP na itinatangging kasama sila sa mga nagrereklamo laban sa NIA chief at sinasabing ginamit lamang sila ng nabanggit na nagrereklamo.

Idinagdag pa ni Antiporda na kanya lamang ipinatigil ang ilang ilegal na aktibidades ng mga nabanggit na nagrereklamo kasabwat ang matatagal nang contractors ng ahensiya kung kayat binweltahan siya ng mga ito.

BENEDICT ABAYGAR, JR.