KUNG kailan papalapit na ang pinakahihintay nating araw ng Pasko, tila ang pag-asang malapit na tayong mamuhay muli nang normal ay unti-unti na namang nawawala matapos ianunsiyo noong Miyerkoles na mayroon nang dalawang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, dalawang asymptomatic na biyahero mula sa Nigeria at Japan ang nagpositibo sa Omicron variant, at ngayon ay nagpapagaling sa isang isolation facility ng Bureau of Quarantine.
Mula nang matuklasan ang Omicron variant sa South Africa, ilang linggo na ang nakalilipas, nagbabala na ang mga eksperto na ang Omicron ay ‘variant of concern’ dahil sa kakayahan nitong makahawa nang mas mabilis kaysa sa mga naunang variant. Dagdag pa, hindi umano ito tinatablan ng mga kasalukuyang bakuna laban sa COVID-19.
Sa kabila nito, isang pag-aaral naman sa South Africa ang nagsabi na mas mahina ang Omicron kung ito ay tatama sa mga indibidwal.
Inasahan na ng Pilipinas na hindi magiging Omicron-free ang bansa kahit pa hindi pinahihintulutang pumasok ang mga biyahero mula sa pitong bansang may mga kaso ng Omicron dahil sa patuloy nating pagtanggap sa mga international traveler.
Gayunpaman, naniniwala akong maaari pa rin nating mapigil ang pagkalat nito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng masa.
Sa pagpasok ng naturang variant, dapat ay pahintulutan na ng gobyerno ang pribadong sektor na bumili ng kani-kanilang mga bakuna laban sa COVID-19 upang lalo pang mapabilis ang programa sa pagbabakuna.
Bagaman mayroon tayong isang batas na pumapayag sa mga pribadong kompanya upang bumili ng mga bakuna, isa sa mga probisyon nito ay kailangang may presensiya ang Kagawaran sa Kalusugan at National Task Force Against COVID-19 sa bawat negosasyon.
Kung ating iisipin, ang pagkakaroon ng third party na mangangasiwa sa bawat negosasyon ay lalo lang nagpapatagal sa pagbili ng pagbabakuna at sa pagrekober ng ating bansa mula sa pandemya.
Kung nais nating lalong pabilisin ang ating programa sa pagbabakuna, kailangan na ng pamahalaan na amyendahan ang batas na ito at tuluyan nang alisin ang mga third party organization.
Samantala, akin namang hinihikayat ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na. Sa panahon ngayon, mas maigi na ang maging sigurado at protektado kaysa hindi bakunado.
Hindi man tayo lubos na magiging COVID-19-free, kaya nitong iligtas tayo sa mas malubhang sintomas. Kung ating matatandaan, hindi natin mapapababa ang daily infection rate kung wala ang mga bakuna. Kung noo’y naraanasan natin na tumaas ang daily infection rate sa 20,000, isang napakalaking bagay na makitang ito ay patuloy nang bumababa.
Bukod sa ating dobleng pagsisikap sa ating booster shot program, mas kailangan na natin ngayong paigtingin ang pagbili ng mga COVID-19 pills na gawa ng Pfizer at Merck dahil sa kakayahan ng mga itong labanan ang Omicron variant na hindi kaya ng mga bakuna.
Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng Merck at Pfizer na napatunayan nilang ang mga bagong gawang COVID-19 pills ay epektibo sa pagpapababa sa malubhang sintomas ng mga may Covid-19 para sa mga high-risk na indibidwal.
Huwag din sana nating kalilimutan ang kapangyarihan ng education at information campaign para sa mga mamamayan na walang access sa mahahalagang impormasyon, lalong-lalo na sa mga indibidwal na hanggang ngayon ay nananatiling ‘anti vaccine’. Higit na kailangan ang kooperasyon ng pamahalaan at mga organisasyon sa isang agresibong kampanya laban sa vaccine hesitancy.
Sa pagpasok ng bagong taon, marahil ay puno na ng pag-asa ang bawat isa. Ang akin lamang kahilingan ay ang ligtas na pangangatawan at harinawang huwag na sana tayong bumalik pa sa panahon ng pandemya.