PRICE ADJUSTMENTS NG OIL COMPANIES BUBUSISIIN

NAKATAKDANG mag-isyu ang Department of Energy (DOE) ng bagong patakaran na mangangailangan sa mga kompanya ng langis para mag-“unbundle” o magdetalye ng kanilang price adjustments na ginagawa sa produkto ng petrolyo sa gitna ng mga puna na natatanggap ng ahensiya na sila ang inutil para ‘di makontrol ang pagtaas ng krudo.

Sinabi ng DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad kamakailan, na itinutulak ng Energy Department para ma-unbundle o madetalye ang presyo ng gasolina, diesel, kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), jet fuel, at bunker fuel para mabigyan ang consumers ng “sense of transparency.”

“Ang gusto lang naman nating makita diyan, ano ‘yung detalye ng amount. For example, if you are given P59 pump price for gasoline, ano po ‘yung laman niyan? Ano po ‘yung detalye niyan at paano po niyo na-justify ‘yan?” Paliwanag ni Rino sa isang panayam sa Taguig City.

Sa bagong patakaran, kakailanganin ng oil companies at retail outlets na magbigay ng datos para madetalye nila ang kanilang base price sa isang mandatory price display board.

Sinabi ng opisyal ng ahensiya na ang pagdedetalye ay isa lamang sa mga pagsisikap na ginagawa ng DOE para mapagaan ang loob ng publiko sa gitna ng patuloy na pagpalo sa presyo ng produkto ng petrolyo.

Pero sinabi ni Abad, hindi puwedeng makontrol ng DOE ang presyo ng krudo dahil nariyan ang Oil Deregulation Law.

“Ayaw ko tanggapin na inutil… kasi hindi talaga makontrol ‘yan… kaya nga may ginagawa tayong unbundling,” sabi niya.

Sinabi ng Energy official, “na ang unbundling ng presyo ay magbibigay sa mga consumer ng panghahawakan ng kanilang binabayaran  that will calm them down.”

“Kumakalma po ang tao kapag naiintindihan nila at talaga namang dapat bayaran, why not?” ani Abad.

Inaasahan na lalabas ang bagong patakaran bilang isang memorandum circular, sa katapusan ng Hunyo ngayong taon.

Sinabi ni Abad na patuloy ang focused group discussion sa  industry stakeholders.

“This is a priority instruction from the secretary. We will finalize it as soon as possible,” aniya.

Ang DOE ay may mandato sa ilalim ng Republic Act No. 8479, o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, para i-monitor ang international at domestic price movements ng mga produkto ng petrolyo.

Comments are closed.