SA gitna ng nakakaalarmang pagtaas ng rice retail price ng higit pa sa P60, ikinasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang price ceilings sa buong bansa.
Batay sa Executive Order No. 39 na inisyu noong Agosto 31, inaprubahan ni PBBM, kasalukuyang Department of Agriculture secretary, ang joint recommendation ng DA at Department of Trade of Industry (DTI) na ipako sa P41 per kilo ang presyo ng regular milled rice at P45 per kilo sa well-milled rice.
Hindi sakop ng price cap ang special at premium rice gaya ng sinandomeng, dinorado, jasponica, jasmine, Thai rice, at iba pa.
Naging epektibo ang EO 39 nitong Martes, Setyembre 5.
Bagama’t may mga tumututol, hindi natinag dito ang pamahaalan.
Katunayan, mananatili ang price ceiling hangga’t hindi ito binabawi ng Pangulo.
Inatasan ni Marcos ang Department of the Interior and Local Government (DILG), DA, DTI, at Department of Justice (DOJ) na magtulong-tulong upang matiyak na nasusunod ang kanyang direktiba.
Bago ipinatupad ang price cap, ang local regular milled rice ay nabibili sa halagang P42 hanggang P55 per kilo habang P43 ang imported regular milled rice. Ang well-milled rice na lokal ay P47 hanggang sa P56 kada kilo habang P52 naman ang imported.
Nabibili naman sa ilang palengke sa Metro Manila ang ilang klase ng bigas sa halagang P60 kada kilo o higit pa.
Tunay na tumataas ang demand sa bigas.
Ito ang pagkakataong sinasamantala ng mga ganid na negosyante.
Ang masaklap, natutuliro ang mga mahihirap na kakarampot ang perang pambili ng bigas.
Hoarding at smuggling pa rin ang nakikitang dahilan ng pagsirit ng presyo ng bigas.
Tututulungan naman daw ng pamahalaan ang mga retailer na maaapektuhan ng price cap.
Siyempre, mapipilitan kasi silang ibaba ang presyo ng kanilang bigas sa murang halaga kahit na nabili nila ito ng mataas.
May posibilidad din daw, ayon sa ilang grupo, na hindi na magbebenta ang ilang retailers dahil malulugi nga rin naman daw sila.
Kailangan ng gobyerno ang suporta ng mamamayan sa implementasyon ng EO 39.
Dapat daw i-report ang sinumang nag-iimbak at nagbebenta ng mahal na bigas.
Nawa’y magkaroon ng magandang bunga ang direktibang ito.
Kasabay sana ng implementasyon ng EO, dapat magsagawa pa ng mga pagsalakay sa bodega ng mga hinihinalang smuggler at hoarder.
Mas maigi kung ang mga masasamsam na bigas ay i-donate sa mga mahihirap o kaya’t ibenta sa murang halaga sa mga Kadiwa outlets sa buong bansa.