BUKOD sa planong pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ompong ay balak din ng Department of Trade and Industy (DTI) na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng price ceiling dulot ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Trade Secreatry Ramon Lopez, pinag-aaralan na nila ang pagrerekomenda ng price ceiling, lalo na sa mga pangunahing bilihin dahil sa patuloy na pag-aray ng mga Filipino sa nagtataasang presyo ng bigas, gulay, isda at karne sanhi ng mabilis na inflation rate at ng nangyaring pananalasa ng bagyong Ompong.
Batay sa inisyal na datos ng Department of Agriculture (DA), nasa mahigit P14 bilyong halaga ng mga produktong pang-agrikultura ang napinsala ng nagdaang bagyo at posible pang tumaas kasabay ng nagpapatuloy na assessment ng kagawaran at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ni Piñol na base sa inisyal na report na nakalap ng kanilang kagawaran, umaabot na sa P14.27 billion na halaga ng pananim, livestock at infrastructure ang nasira ng bagyo.
Naapektuhan ang 553,704 ektarya ng agrikultura kung saan nasa 731,294 metriko tonelada ang dami ng nawalang produksiyon.
Lubha aniyang nasalanta ang Cordillera Administrative Region (CAR) at Region 2 (Cagayan Valley) na nagdulot ng pagtaas ng halaga ng pinsala, partikular sa bigas, mais, high value crops at livestock.
Malaking bahagi ng pinsala o 62.82 porsiyento ay naitala sa rice sector habang 435,997 metriko tonelada na nagkakahalaga ng P8.97 billion ang nawala sa rice consumption.
Gayunman, sinabi ng kalihim na hanggang maaari ay ayaw nilang magpatupad ng price ceiling, gayundin ng price control dahil sa magiging epekto nito sa mga negosyante.
Magugunitang inirekomenda ni Finance Secretary Carlos Dominguez III kay Pangulong Duterte ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong bansa kaugnay ng isyu, gayundin para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ni ‘Ompong’.
Dagdag pa ng DTI chief, gagawin nila ang lahat para mapawi ang pangamba ng publiko sa sunod-sunod na price hike. VERLIN RUIZ
Comments are closed.