ANG gamot, hindi dapat pahirapan bago mabili ng mga taong nangangailangan. Hindi dapat presyong ginto, dapat abot-kaya.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Sonny Angara matapos nitong suportahan ang bagong hakbang ng Department of Health (DOH) na lagyan ng price ceiling ang ilang mahahalagang gamot, paborable sa mahihirap na pasyente.
Matatandaang 120 gamot ang itinala ng DOH sa ilalim ng maximum retail price (MRP) scheme upang mapanatiling mababa ang halaga ng mga ito para sa kapakanan ng mahihirap na mamamayan.
Kabilang sa mga ito ang mga gamot laban sa killer diseases tulad ng hypertension, diabetes, cardiovascular, malubhang sakit sa baga, neonatal diseases, malubhang sakit sa bato at matitinding uri ng kanser.
Nabatid na ito ang ikalawang batch ng mga gamot na isinailalim ng DOH sa MRP base sa isinasaad ng RA 9502 o ang Cheaper Medicines Act of 2008.
“Kung tama ang pag-aaral ng DOH na hanggang ngayon, ibinebenta sa bansa ang generic drugs na four times na mas mataas sa presyo nito sa buong mundo, at ang branded products ay 22 times na pinataas ang presyo rito sa Filipinas, dapat lang talaga na paigtingin at ipatupad ng DOH ang price ceiling. Hindi makatarungan ang ginagawa ng ilang kompanya ng gamot,” ani Angara.
Nakalulungkot, ani Angara, na maging ang mahihirap na pamilya sa bansa ay kailangang gumuguol ng halos kalahating porsiyento sa health expenses dahil sa mga napakamahal na gamot, sa kabila ng mga programang pangkalusugan ng gobyerno.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang per capita health spending ng mga Filipino noong 2017 ay umaabot sa P6,791 at base sa kabuuang populasyon ng naturang taon na 104.9 milyon, ang kabuuang national health spending ay umaabot sa P713 bilyon. Lumalabas na noong 2017, nagpaluwal ng higit kalahati ng nasabing halaga ang mga Pinoy, o P373 bilyon ng kabuuang health expenditures ng naturang taon. VICKY CERVALES
Comments are closed.