PRICE CEILING SA BABOY AT MANOK HINILING IPATUPAD

bong go

HINILING ni Senador Christopher “Bong” Go sa Executive Department na umaksiyon hinggil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng baboy at manok sa bansa, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng price ceiling dito.

Nabatid na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy ay dahil sa kakulangan ng suplay nito dahil sa African swine fever (ASF) habang sumisipa rin ang presyo ng manok dahil naman sa ilegal na pagmamanipula ng ilang mapagsamantalang mga negosyante.

“Umaapela ako sa Executive department na pag-aralan ang pag-i-impose ng price ceiling sa karneng baboy at manok sa bansa upang mapigilan ang tuloy-tuloy na pagtaas nito. Marami po sa ating mga kababayan, lalo na ang mga minimum wage earners, ang hindi na ma-afford ito,” ayon kay Go.

“Kung maaari po, ang gobyerno na po ang pumasan sa mga problemang ito, huwag lang po mapunta sa ordinaryong mamamayan ang dagdag na pasakit ng mahal na bilihin,” aniya.

Kaugnay nito, sinuportahan naman ni Go ang panukala ng Department of Agriculture (DA) na dagdagan ang Minimum Access Volume (MAV) ng baboy, o ang dami ng volume ng produktong papayagang angkatin sa mababang tariff rate, ngunit idinagdag na dapat ding obserbahan ang akmang legal na proseso para gawin ito.

“Kailangan po nating bigyan ng pansin ang hinaing na ito ng ating consumers,” aniya pa.

Iginiit ng senador na ang isyu ng tumataas na presyo ng mga produkto ay dapat na kaagad na masolusyunan dahil nakadadagdag pa ito sa dalahin ng mga mamamayan, na hirap na hirap na dahil sa epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan.

“Kailangan natin itong solusyonan, lalong-lalo na sa panahon ngayon na marami pong mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho. Walang pambili ng pagkain ang mga ‘yan, tataas pa ang presyo, mas lalong mahihirapan ang mga kababayan natin,” anang mambabatas. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.