NAIS ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng price ceiling sa COVID-19 swab test sa bansa.
Nabatid na nagsumite na ang DOH ng rekomendasyon sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte na humihimok na mag-isyu ito ng isang executive order para sa regulasyon sa presyo ng COVID-19 swab test.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na napansin ng DOH na iba-iba ang presyo ng swab test, lalo na sa mga laboratoryo.
May natatanggap rin, aniya, silang ulat na malaki ang diperensya ng halaga ng swab test sa mga laboratoryo kumpara sa mga ospital
Kaya naman nagpasiya, aniya, sila na magsumite ng rekomendasyon sa Office of the President upang makapaglabas ng EO para sa price ceiling sa COVID-19 swab test.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng DOH ang tugon dito ng Pangulo.
Ipinaliwanag pa ni Vergeire na kaya EO ang inihihirit ng DOH ay dahil may batas nang umiiral kung saan nakasaad na ang price ceiling ay para sa mga gamot lamang at hindi kasama ang diagnosis at professional fees at swab test para sa COVID-19.
Umaasa naman ang DOH na papaboran ng presidente ang kanilang rekomendasyon, lalo’t ang swab test o RT-PCR na ang karaniwang ginagamit para malaman kung may COVID-19 ang sinuman at ito ang ‘gold standard’.
Nabatid na sa kasalukuyan, ang halaga ng swab test ay mula P3,500 hanggang P15,000, depende sa ospital, klinika o laboratoryo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.