MAKARAANG ipag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila na mahigpit na ipatupad ang 60-araw na price ceiling ng baboy at manok, nais ni Las Pinas City Mayor Imelda Aguilar ang agarang pagbabalik ng price control council ng lungsod.
Kasabay nito, agad na naglabas ng kautusan si Aguilar sa mga namumuno sa price control council kabilang ang market master na magsagawa ng inspeksiyon sa lahat ng mall supermarkets, public market at talipapa sa lungsod.
Kasabay nito, inatasan din ng alkalde ang City Veterinary Office gayundin ang City Agriculture na magsagawa ng monitoring at sorpresang inspeksiyon sa mga mall supermarket, public market at talipapa para sa mahigpit na implementasyon ng 60-araw na price ceiling ng gobyerno.
Sinabi pa nito, kanyang ipinapatupad ang naturang kautusan para na rin madetermina kung sumusunod ang mga supermarket at palengke sa direktiba ng DILG base na rin sa reklamo ng publiko sa napakataas na presyo ng baboy at manok habang nararanasan ang epekto ng pandemya na kasalukuyang idinudulot ng COVID-19.
Binalaan din ni Aguilar ang mga lalabag sa kanyang kautusan na mabibigyan ang mga ito ng show cause order o kaya ay suspensyon ng kanilang mga lisensya sa pagtitinda. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.