PRICE CONTROL INIHIRIT

PRICE CONTROL

HINILING ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa gobyerno na agad na maglabas ng polisiyang kokontrol sa presyo ng bilihin dahil sila ang pangunahing kinakawawa nito at nabibiktima ng mga abusadong negosyante.

Kinondena rin nila ang pamimilit na panatilihin ang TRAIN Law kahit na malinaw na nakapag-ambag ito sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi ni Manny Toribio, tagapagsalita ng grupo, na dagdag pasanin pa sa mga maralitang lungsod ang bagong buwis gayong marami pa rin ang walang hanapbuhay, kulang ang kinikita o kontraktuwal ang trabaho.

Sa pagtatantiya ng mga ekonomista ng Bangko Sentral, umabot sa 5.5% ang inflation noong Mayo, mas mataas sa inaasahan nilang 4.5% para sa taong 2018.

Inirereklamo rin nito ang makupad na pagpapatupad ng mga subsidyong kabilang sa TRAIN Law para sa mga mahihirap.

Babala nito, hanggang hindi binabago ang mga sentral na patakarang pang-ekonomiya ng bansa ay mananatiling nakaasa pa rin tayo sa importasyon ng mga produkto kaysa paunlarin ang sariling produksyon kung kaya’t ramdam na ramdam ng bansa ang paggalaw ng presyo ng pandaigdigang pamilihan at lalo pang dadami ang naghihirap na Pilipino.      JOEL O. AMONGO

Comments are closed.