IGINIIT ng consumer groups sa pamahalaan na maglabas ng patakaran sa provisional price control sa bigas gayundin palakasin ang lokal na pagsasaka upang matugunan ang problema sa mataas na presyo ng commercial rice.
Nauna rito, tumaas kamakailan ang presyo ng bigas sa Zamboanga City mula P54 hanggang P70 kada kilo na halos doble sa ibinebentang P32 kada kilo ng NFA rice.
“Magkaroon dapat ang gobyerno ng provisional price control. Hindi dapat lalayo sa presyo ng NFA (National Food Authority),” giit ni Danilo Ramos, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Iginiit naman ng NFA, hindi dapat sila sisihin sa isyu ng price control sa lungsod sa kabila ng panawagan ng mga senador na i-abolish na ang ahensiya dahil dito.
Ayon kay Rex Estoperez, tagapagsalita ng NFA, gumagawa sila ng mga hakbang para solusyunan ang mga problema at nagdagdag na sila ng 180,000 sakong NFA rice sa Zamboanga City nitong weekend.
“We did not create the problem, we are trying to solve the problem. Ngayon may nakita silang inefficiencies, tignan nila basis ng data nila,” diin ni Estoperez.
“Calling for abolition and resignation is not the solution to the problem,” dagdag pa nito.
Hinimok naman ni Zamboanga Rep. Celso Lobregat na alisin na ang state of calamity sa lungsod kasunod ng pagdeklara ng Department of Agriculture na tapos na ang krisis sa bigas.
Kaugnay rin nito, binigyang diin ng Bantay Bigas, hindi na dapat itaguyod ang panukalang rice tarrification bill na pinangangambahang hihila pa pataas sa presyo ng bigas sa merkado kapag nag-angkat pa ng mas maraming bigas sa bansa.
“Kapag naisabatas, kamatayan na ito ng ating produksiyon ng bigas,” ayon sa tagapagsalita ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo.
Comments are closed.