NANAWAGAN kahapon ang isang kongresista sa Department of Trade and Industry (DTI) na agad magpatupad ng price control sa mga sabon, face mask, rubbing alcohol, bleach at iba pang personal hygiene products upang maiwasan ang pananamantala ng mga negosyante sa harap ng banta ng 2019 Novel Coronavirus (nCov) sa bansa.
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo, dapat pairalin ang ‘full cooperation’ sa pagitan ng traders, manufacturers at government regulators upang maiwasan ang pananamantala sa mga mamimili.
Kasabay nito ay kinalampag ni Tulfo ang mga establisimiyento na kusa nang magpatupad ng high alert status upang labanan ang paglaganap ng nCov sa bansa.
Aniya, dapat magpatupad ang mga mall, hotel, tour operator, tourist bus, airline, at POGO ng 24/7 sanitation at personal hygiene measures sa kanilang mga tauhan at kliyente.
Kabilang dito ang sanitation ng mga contact point tulad ng door handles, elevator buttons, escalators, railings at palikuran.
Pinatitiyak din ng mambabatas na handa at equipped ang mga in-house nurse at first aider na naka-duty. CONDE BATAC