NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) na muling magpatupad ng ‘price freeze’ sa lahat ng mga pangunahing bilihin upang mapigilan ang mga mapagsamantalang negosyante sa panahon ng modified en hanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Marcos, tiyak na sasamantalahin ng mga tiwaling negosyante ang 15 araw na MECQ na ibinalik ni Pangulong Rodrigo Duterte upang itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay inanunsiyo ng -Pangulo ang pagbabalik sa Metro Manila at sa ilang karatig probinsya sa MECQ ng 15 araw na nagsimula nitong Agosto 4 at magtatapos sa 18.
“Price freeze ang dapat na ipatupad ng DTI. Tiyak na sasamantalahin na naman kasi ng mga salbaheng negosyante ang sitwasyon at itataas nila ang kanilang mga paninda kahit naghihirap na ang mga kababayan natin,” pahayag ni Marcos.
Ayon kay Marcos, nauna nang idineklara ng DTI, Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng isang joint memorandum ang pagpapatupad ng price freeze matapos isailalim ni Duterte ang bansa sa State of Public Health Emergency noong panahong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).
“Kahit 15 days lang ang MECQ, sasamantalahin pa rin ito ng mga salbaheng negosyante. At price freeze pa rin ang katapat nila, pero siyempre, kailangang kumilos at magtrabaho ang mga taga-DTI para tingnan ang presyo ng basic commodities,” sabi ni Marcos.
Binigyan-diin pa niya na kailangang bantayan ang presyo ng manok, baboy, isda, mantika, noodles, bigas, delatang sardinas, tinapay at iba pang mahahalagang produkto na kalimitan ay binibili ng mahihirap na consumers o mamimili.
“Hirap na hirap na talaga sa buhay ang bawat pamilya dahil sa COVID, kaya dapat bantayan ang presyo ng basic commodities. Kailangang mapahinto ang mga negosyanteng ito at ipakulong ang mahuhuling nagtataas ng presyo ng kanilang paninda,” galit na pahayag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.