PRICE FREEZE SA FUNERAL SERVICE INIUTOS

Funeral

PARANAQUE-IPINAG-UTOS ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez ang pagpapatigil ng pagtaas ng presyo sa serbisyo ng mga punerarya at iba pang kahalintulad na establisimyento nito habang nakararanas ang buong bansa ng malaking epekto na dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Olivarez, ang mga establisimyento na napapailalim sa kanyang ipapatupad na executive order ay ang mga punerarya, crematorium centers at iba pang establisimyento na may mga negosyong may kaugnayan sa pagkakamatay ng isang tao tulad ng handling, embalming, preparing, disinfecting, cremating.

Sinabi ni Olivarez na kanyang inatasan ang hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na pinamumunuan ni Atty. Lanie Malaya na  makipagkoordinasyon sa Management of the Dead and Missing (MDM) cluster upang siguruhin na ang mga nabanggit na establisimyento ay susunod sa naturang order

Babala ng alkalde na ang sinumang establisimyento na sumuway o lumabag sa naturang regulasyon ay iisyuhan ng administrative sanctions o dili kaya ay rebokasyon ng kanilang business permit at kakasuhan. MARIVIC FERNANDEZ