BINALAAN ng Department of Trade and Industry ang mga negosyante na huwag magtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin matapos ang pananalasa ng bagyong Usman sa Bicol Region at Eastern Visayas.
Ito ay kasunod ng kautusan ng DTI na magpapatupad sila ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, sapat ang supply ng mga produkto para sa nasabing mga rehiyon subalit mas makabubuting mag-monitor na rin sila para maiwasan ang pagsasamantala ng ilang mga negosyante.
Sinabi pa ni Lopez na kung kinakailangan ay kaagad na magpapadala ang DTI ng “Diskwento Caravan” sa mga binagyong lugar para makinabang sa mas murang bilihin ang mga ordinaryong mamamayan.
Nauna rito ay iniulat ng Department of Agriculture (DA) na naapektuhan ng husto ng bagyong Usman ang ilang pananim at livestock sa mga lalawigan sa Bicol at Eastern Visayas.
Magtutulong naman ang dalawang ahensya ng pamahalaan para tulungan ang mga magsasaka at maliliit na negosyante na naapektuhan ng bagyong Usman.
Pinawi rin ng DTI secretary ang pangamba ng ilang consumers na wala raw dapat ikabahala o mag-panic buying bunsod ng mga ipinakakalat na balita ng mga mapagsamantalang negosyante.
May nakahanda rin umanong programa ang ahensya para sa kabuhayan ng mga biktima ng kalamidad habang sila ay bumabangon sa trahedya.
Ayon naman sa DTI Bicol provincial director Jocelyn Berango gagawa sila ng inspeksiyon sa mga pamilihan matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente hinggil sa pagtataas-presyo ng ilang produkto.
Nabatid ng DTI na dumoble ang presyo ng tinapay at kandila kung saan mula P25 ay naging P40 na raw.
Maging ang sliced bread ay nasa P80 na umano ang benta.
Ani Berango, posibleng maparusahan ang mga may-ari ng tindahan na mapatutunayang lumabag sa panuntunan ng price freeze.
Sa ilalim ng umiiral na price freeze hindi maaaring tumaas ang presyo ng prime commodities gaya ng sardinas, gatas, kandila, tinapay, kape, laundry soap, detergent bars at powders, bottled water at noodles.
Kaugnay nito, maglalabas ng memorandum circular ang DTI hinggil sa implementasyon ng price freeze. VERLIN RUIZ
Comments are closed.