PRICE FREEZE VIOLATORS HUHULIHIN NG PNP

DG-Oscar-Albayalde

CAMP CRAME – INIANUNSIYO ni Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde na magiging katuwang sila ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industry (DTI) para tutukan kung naipatutupad ang price freeze o hindi pagtataas ng presyo ng bilihin sa mga lugar na apektado ng habagat.

Sa regular Monday press conference ay inihayag ni Albayalde na dahil idineklara ang state of calamity sa mga lugar na binaha bunsod ng habagat noong Sabado, Agosto 11, ay awtomatikong ipatutupad ang price freeze.

Alinsunod sa Republic Act 7581 o Price Act of 1992, ipinatutupad ang price freeze sa mga lugar na apektado ng kalamidad at pinakamaikling araw ay 60 araw.

Layunin nito na pigilan ang mga mapagsamantalang ne­gosyante na taasan ang kanilang paninda lalo na ang basic needs gaya ng pagkain, tubig at gamot.

Ang gagampanan naman ng pulisya ay dakpin ang mga negosyante na mananamantala habang babantayan din ang establisimiyento laban sa mga magnanakaw.

Kabilang naman sa inilagay sa state of calamity ay ang Marikina City na nagpatupad ng forced evacuation noong Sabado makaraang umabot sa mahigit 20 meters ang taas ng Marikina river alas-10 ng gabi ng araw na iyon, buong lalawigan ng Cavite, Lungsod ng Olongapo sa Zambales, Ba­langa sa Bataan, Pangasinan, Nueva Ecija at Tarlac na na­ngangahulugang epektibo ang price freeze.

Partikular na inatasan din ni Albayalde ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang intelligence units na tututukan ang price freeze act.

“I am directing the CIDG and the police intelligence units to closely assist in the enforcement of the price freeze and take appropriate action in support of DTI,” ayon kay Albayalde.

Samantala, una nang nag-deploy ang PNP ng 4,058 personnel makaraan ang malawakang pagbaha sa Luzon at nagdagdag pa ng 591, habang standby forces ang 3,467 para sa search and rescue (SAR) ­operations.         EUNICE C.

Comments are closed.