INAPRUBAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas ng presyo sa ilang pangunahing bilihin.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, /kabilang dito ang ilang brands ng sardinas, canned meat, condiments, coffee, milk products, at detergents.
Ani Castelo, pinayagan ng ahensiya ang hanggang 9 porsiyentong dagdag-presyo sa naturang mga produkto subalit hindi maaaring magpatupad ng price hike ang mga negosyante hanggang walang inilalabas na bagong suggested retail price (SRP) ang ahensiya.
Aniya, susubukan ng DTI na utay-utayin ang mga susunod na taas-presyo para hindi ito maging mabigat sa mga consumer.
Dagdag pa niya, maaari ring bumalik sa dating presyo ang mga Noche Buena product dahil hanggang katapusan lang ng Disy-embre ang pangako nilang ibababa ang presyo para sa Pasko.
Ibinunyag din ng DTI na may iba pang manufacturers na humihirit ng taas-presyo pero masusi muna nila itong pag-aaralan.
Naniniwala naman si Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, na hindi pa napapanahon na magkaroon ng dagdag sa presyo ng mga bilihin lalo’t kaunti pa rin ang mga namimili dahil sa banta at epekto ng COVID-19.
“Kahit noong holiday, mas kaunti ang mga namimili sa supermarket dahil nagtitipid ang mga Filipino o wala rin gaanong pambili bunsod ng epekto ng pandemya sa ekonomiya,” aniya.
Comments are closed.