HINDI na matutuloy ang nakaambang taas-presyo sa mga de latang karne kasunod ng pagbaba ng taripa sa sangkap nito, ayon sa grupo ng meat manufacturers.
Ito ay matapos ilabas ang executive order na panatilihin sa 5 porsiyento mula 40 porsiyento ang buwis sa inaangkat na mechanically deboned meat (MDM), na pangunahing sangkap ng meat loaf, luncheon meat, hotdog, at siomai.
Ipinahayag din ni Philippine Association of Meat Processors Inc president Felix Tiukinhoy na tiniyak na nila sa Department of Trade and Industry na walang taas-presyo sa mga nabanggit na produkto.
“We assured the Secretary of Trade and Industry that we will not take any increase as long as the Executive Order is signed by the President and we are very happy,” ani Tiukinhoy.
Tumaas kamakailan sa 40 porsiyento ang buwis ng MDM dahil apektado ang buwis nito sa pagsasabatas ng rice tariffication law. Inaangkat pa mu-la sa ibang bansa ang MDM dahil walang local manufacturer na gumagawa ng naturang sangkap.
Pero nitong Hunyo 13, ibinalik ni Duterte sa 5 porsiyento ang taripang ipinapataw sa MDM na ipinapasok sa bansa, na nagresulta sa paghinto sa taas-presyo ng mga karneng de lata.
Nangako rin ang mga sardine maker na ipapako ang presyo ng sardinas sa mga susunod na buwan.
Panawagan naman ng grupong Laban Konsyumer sa gobyerno na siguruhing mapapako na ang taripa sa 5 porsiyento.
“Alam mo kahit ‘di siya nakalista sa basic necessities, nagiging pang-araw-araw na pagkain lalo na ‘yung hotdog,” ani Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.
Comments are closed.