NAMUMURO ang ikalawang sunod na linggong mixed price adjustments sa oil products.
Batay sa pagtaya ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, nasa 10 hanggang 30 centavos ang maaaring price hike sa kada litro ng gasoline.
Habang rollback na 40 hanggang 70 centavos sa diesel at 40 hanggang 60 centavos sa kerosene o gaas.
Ang pagtaas sa presyo ng gasolina ay dahil mas mataas ang demand nito kumpara sa diesel at kerosene.
Paliwanag ni OIMB Assistant Director Rodela Romero, demand-driven o batay sa rami ng langis kung bakit nagkakaroon ng paggalaw sa presyo ng oil products.
Ang pagtaya sa igagalaw sa presyo ng oil products ay batay sa apat na araw na kalakalan, mataas ang demand sa gasolina habang sakto lang at mataas ang supply sa diesel at kerosene o gaas.
isinisi rin ni Romero sa nagpapatuloy na tension sa Israel forces at Hezbollah kung bakit pinapalawig pa ng ilang oil producing countries ang pagtapyas ng supply ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ang mga miyembro Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC +) ay patuloy na pinipigil ang anim na milyong bariles ng langis kada araw kasama na ang 2.2 million barrels per day na output na kanilang dapat ibalik sa merkado.
Malalaman ang eksaktong galaw sa presyo ng produktong petrolyo sa Lunes pa at karaniwang ipinatutupad ito tuwing umaga ng Martes.