PRICE HIKE SA NOCHE BUENA ITEMS

NOCHE BUENA ITEMS

NAGBABALA ang grupo ng supermarkets na posibleng makasama sa negosyo ang hirit ng ilang manufacturers na magtaas ng presyo sa Noche Buena products.

Nauna nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na i­lang manufacturers ang lumapit sa ahensiya para hilingin ang price increase sa Noche Buena items tulad ng hamon, fruit cocktail, canned meat, tomato sauce, spaghetti, elbow macaroni, at quezo de bola.

Sa pahayag ni Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarket Association, maaaring mas piliin ng mga consumer ang ibang brands na hindi magtataas ng presyo ng kanilang produkto.

Aniya, dapat mag-i­ngat ang mga manufacturer sa pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto dahil kapag nagtaas sila ng presyo, at ang kalaban nila na pareho ng kanilang ka­tegorya ay hindi, matatalo rin ang benta nila.

Napag-alaman na nasa 2 hanggang 29 porsiyento ang hinihiling na price hike ng mga manufacturer.

Sa hamon ay nasa P109 ang inihihirit na taas-presyo ng isang manufacturer dahil umano sa pagmahal ng raw materials at epekto ng African swine fever.

Sa kasalukuyan ay wala pang naaaprubahang taas-presyo ang DTI.

Pinayuhan naman ni Cua ang mga consumer na suriin ang iba’t ibang brands para makahanap ng dekalidad at abot-ka­yang presyo na produkto. PILIPINO Mirror Reportorial Team