IHIHIRIT ng samahan ng mga panadero sa Department of Trade and Industry (DTI) na maitaas ang presyo ng kanilang mga produktong tinapay.
Ayon kay Philippine Federation of Bakers Association Incorporated head Chito Chavez, ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng asukal at liquefied petroleum gas (LPG) na kabilang sa mga pangunahing kailangan sa paggawa ng tinapay.
Sinabi ni Chavez na makikipagpulong sila sa DTI para marepaso ang presyo ng kanilang mga tindang produkto.
“Sa ngayon po ang naging suliranin ay ang pagtaas ng presyo ng asukal at LPG, ang asukal po ay isa sa mga component ng tinapay o pangalawa sa pinakamataas na ginagamit sa ingredient ng tinapay kaya kapag gumalaw ang presyo niyan apektado ang ating mga tinapay na ginagawa ng mga panaderya, at gumalaw na ang presyo ng LPG, kahapon ay nagkaroon ng announcement, hindi pa kami nagrere-order sa ngayon, ang LPG po ay isang component na napakalaki dahil ang ating mga hot pandesal owner ay ito lang ang ginagamit na panggatong,” ani Chavez.
Samantala, ipinabatid naman ni Chavez na sapat at stable ang suplay at presyo ng harina.
“Ang magandang balita po ay walang paggalaw sa presyo ng harina, kung ito ay nagkaroon ng paggalaw noong mga nakaraang araw isa po itong pasanin ng industriya at ipapasa naman sa mga konsyumer, pero magandang pangyayari dahil hindi po gumalaw ang presyo niyan,” pahayag ni Chavez.
EPEKTO NG TRAIN LAW
Nilinaw naman ng Philippine Federation of Bakers Association Incorporated na maliit lamang ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law sa presyo ng mga tinapay.
Sa isang panayam, sinabi ni PFBAI Head Chito Chavez na hindi naman masyadong nakaapekto sa presyo ng mga ginagamit nilang sangkap sa paggawa ng tinapay ang ipinatupad na bagong reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan.
Mas nababahala aniya ang kanilang hanay sa paghina ng piso kontra dolyar lalo na at ang trigo na ginagawang harina ay inaangkat ng Filipinas.
“Ating titingnan kung ano ang magiging epekto nito, ang puwedeng maging suliranin ng industriya ay ang pagtaas ng ating dolyar kontra piso, alam naman natin na ang harina ay isang imported product at any time ‘yung mga component nating ginagamit sa ating produkto kapag naapektuhan ‘yan sa pagtaas ng dolyar o pagbaba ng piso puwede po itong makaapekto sa industriya ng tinapay,” dagdag ni Chavez.
Comments are closed.