TINIYAK ng Department of Health (DOH) na mailalabas na nila sa susunod na linggo ang price range policy sa COVID-19 test at test kits, upang matiyak na ang presyo ng mga pagsusuri at test kits para sa pagtukoy ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay abot-kaya at accessible para sa lahat.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, nagbigay na si Health Secretary Francisco Duque III ng deadline sa ahensiya para mag-isyu ng polisiya.
“We should be able to issue it out by the early part of next week,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa radyo.
Matatandaang sa pamamagitan ng Executive Order 118, binigyan ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ng DOH, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI), para tukuyin at magpatupad ng price range para sa COVID-19 tests and test kits, alinsunod sa umiiral na batas, panuntunan at mga regulasyon para matiyak na lahat ng ito ay patas, equitable at sensitibo sa lahat ng stakeholders.
“Andiyan na po napag-usapan na lahat ng implementation arrangement. May enforcement ‘yan, monitoring, meron ho diyan ‘yung basis kung paano tayo nakapag-set ng price range na ‘yan,” ayon kay Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na natukoy na ng gobyerno ang price range pero kailangan na konsultahin muna ang mga stakeholder. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.