IDINIIN ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan para sa mas mahigpit na pagpapatupad sa mga hakbangin ng gobyerno para ipatupad ang mungkahing presyo ng mga sibuyas bilang paraan upang maprotektahan ang mga mamimili mula sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo.
Sa ambush interview matapos tulungan ang mga residente sa Pasig City noong Martes, Mayo 23, nagpahayag si Go ng pagkabahala na nananatiling mataas ang presyo sa ilang bahagi ng Metro Manila habang nanawagan siya sa Department of Trade and Industry na subaybayan at ipatupad ang standard retail prices.
“Nababalitaan natin, meron pong mga as high as PhP200 per kilo d’yan po sa Guadalupe Market sa Makati, sa Marikina sa Mega Q Mart po sa Quezon City. At trabaho po ng ating DTI na icheck talaga ang presyo at kung maaaring kasuhan po ang mga lumalabag,” saad ni Go.
Upang matugunan ang isyu, iminungkahi ni Go na imbestigahan ang mga posibleng aktibidad ng pag-iimbak o pagtatago na maaaring mag-ambag sa pagtaas ng presyo.
“Bakit mataas ang presyo? Baka mataas din ang bili nila, ‘yung puhunan nila. Bakit mataas? Maaari bang merong nagho-hoard, meron bang nagtatago ng supply kaya tumataas ang presyo. ‘Yun ang dapat silipin,” anito.
Nanawagan ang senador sa mga law enforcement agencies gaya ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Bureau of Customs na masigasig na ipatupad ang batas.
Sa pagsupil sa mga nagsasamantala sa sistema, sinabi ni Go na mapangangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino.
Nauna rito sa ambush interview matapos na personal na tulungan ang mga mahihirap na residente sa Gapan, Nueva Ecija noong Mayo 22, idiniin din ni Go ang kahalagahan ng pagdakip at pag-usig sa mga sangkot sa smuggling activities at manipulasyon ng presyo na nagpapahintulot sa kanila na magbenta ng sibuyas sa mas mataas na presyo.
Sa paggamit ng Anti-Smuggling Law, binanggit niya ang pangangailangan na magpataw ng mas mahigpit na parusa, kabilang ang pagkakulong, sa mga nagkasala na nagsasamantala sa merkado at lumalabag sa itinakdang price ceiling.
“Yung talagang nagsasamantala, totohanang hulihin, ikulong, kasuhan. ‘Yan po ang pakiusap ko sa gobyerno,” himok nito.
Ipinatupad ng Department of Agriculture noong Lunes ang mga regulasyon sa presyo sa pakyawan na sibuyas. Ang mga limitasyong ito ay nakabatay sa “cold storage price” at nakatakda sa PhP115 kada kilo para sa pulang sibuyas at PhP100 kada kilo para sa puting sibuyas.
Upang matugunan ang domestic demand, pinahintulutan din ng DA ang mga mangangalakal na mag-import ng 22,000 metrikong tonelada ng sibuyas.
Samantala, sa pagtugon sa tumataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura at sa nagbabantang isyu ng pag-aangkat, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga lokal na magsasaka at pagpapatupad ng mga hakbang upang mapahusay ang produktibidad ng agrikultura.
“Depende po ‘yun kung anong agricultural product ang tinutukoy natin katulad ng rice. Hindi pa tayo rice sufficient sa ngayon, ang ating bansa. Mapipilitan talaga tayong mag-import at some point kung hindi, magkakaroon tayo ng rice shortage. Siyempre, ideal po sa akin na huwag tayong mag-import,” dagdag ni Go.
“Unahin muna natin ang mga local farmers. Unahin muna nating suportahan ang mga local farmers: more trainings, technology transfer, more fertilizers, itong mga drought-resistant seeds, irrigation, at kailangan talagang suportahan ng gobyerno ang ating mga local farmers. Kailangang tumaas po ang productivity rate natin lalo na ang maliliit nating magsasaka,” ayon pa sa senador.
Habang kinikilala ang pangangailangan ng pag-import sa ilang mga kaso, tulad ng kasalukuyang kakulangan ng bigas sa bansa, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagsuporta din sa mga lokal na magsasaka.
Iminungkahi niya na ang mga pagbili ng gobyerno, tulad ng ginawa ng National Food Authority, ay dapat unahin ang mga lokal na magsasaka.