TATAPUSIN ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa 2019 FIBA World Cup sa pagsagupa sa old Asian rival Iran sa Wukesong Sports Arena sa Beijing.
Para sa mga Pinoy, nakataya sa bakbakan ang regional pride at sisikapin nilang wakasan ang hindi magandang karanasan sa FIBA showpiece, tampok ang blowout losses laban sa Italy, Serbia at Tunisia, at ang overtime heartbreaker kontra Angola.
Kailangang manalo ang Nationals sa larong ito upang hindi maging pangunahing kandidato bilang last-placer sa 32-team meet.
Matapos ang mga laro noong Biyernes, ang Gilas ay kabilang sa ‘winless teams’ kasama ang Cote d’Ivoire (0-4), South Korea (0-4), Montenegro (0-3), Japan (0-3), Jordan (0-3) at Senegal (0-3).
Habang yumuko ang Filipinas sa Tunisia, 67-86, sa wakas ay nakopo ng Iran ang unang panalo sa pamamagitan ng 71-62 pagbasura sa Angola.
Sa Group N ng classifications, ang Tunisia ay may 2-2 kartada; Iran at Angola, 1-3; at Team Phl, 0-4.
Magtatapos ang mga laro sa Group N ngayong Linggo sa pares ng laro sa pagitan ng Tunisia at ng Angola, at ng Filipinas at ng Iran.
Winalis ng Iranians ang mga Pinoy sa kanilang home-and-away series sa WC qualifiers, subalit hindi naglaro si Andray Blatche sa parehong games.
Noong 2015 sa Changsha sa FIBA Asia Championship, pinulbos ni Blatche at ng kanyang Gilas teammates si Hamed Haddadi at ang Iranians sa group play, kung saan pumangalaw ang mga Pinoy sa China.
Makaraang mawala sa ilang laro sa WC qualifiers, sina Haddadi at Nikkhah Bahrami ay nagbalik sa Iran lineup sa world joust.
Nangunguna si 7-foot-1 Haddadi sa koponan na may averages na 13.5 points, 11.8 rebounds at 5.0 assists, habang si Bahrami, ang pinakamapanganib na forward sa Asian basketball sa matagal na panahon, ay may averages na 11.5 markers at 3.0 boards.
Ang iba pa na inaasahang magbibigay ng problema sa Gilas ay sina Benam Yakhchalidehkordi (may average na 11.5 points) at Aaron Geramipoor (10.8 points and 6.8 rebounds).
Subalit kahit paano ay pamilyar ang mga Pinoy sa Iran.
Comments are closed.