MATAPOS ang matagumpay na kampanya sa Palarong Pambansa at sa foreign-laced National Open Athletics kung saan itinanghal siyang ‘prince of sprint’, tutungo si Veruel Verdadero sa Thailand para sumabak sa Youth Olympic Games Continental Phase qualifying na nakatakda sa Hulyo 4 sa Thai-Japan Bangkok Youth Center.
Buo ang loob at mataas ang morale, makikipagsabayan si Verdadero sa mga kalaban mula sa mga bansa sa Asia na tulad niya ay hangad na makapaglaro sa World Youth Olympics na gaganapin sa Oktubre sa Buenos Aires, Argentina.
Inamin ni Verdadero na mabigat ang laban dahil Asian level ang kumpetisyon subalit nangako siyang gagawin niya ang lahat para manalo at makapaglaro sa unang pagkakataon sa World Youth Olympics.
“Dito na ako lalaban at wala nang atrasan. Gagawin ko ang lahat para manalo. ‘Yan ang mission ko sa Thailand,” sabi ni Verdadero.
Si PATAFA board member Ma. Jeanette Obiena ang magsisilbing coach ni Verdadero.
Tatlo pa lang ang nagkuwalipika, sa katauhan nina archer Nicole Tagle, table tennis player Jann Mari Nayre at Christian Tio ng kite boarding. Ang ibang kasama ni Verdadero ay kasalukuyang nakikipagtagisan sa ibang qualifying tournaments.
Ang kampanya ni Verdadero ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez.
Mga atleta na may edad 18 at pababa mula sa mahigit 100 bansa ang magbabakbakan sa ma-higit 30 sports. CLYDE MARIANO
Comments are closed.