(Text and photos by MHAR BASCO)
KILALA ang Palawan sa kakaibang tanawin tulad ng underground river sa bayan ng Sabang.
Maging ang mga beach resort na may mala-kristal na tubig-dagat na matatagpuan sa bayan ng El Nido at Coron Island.
Gayunman, may ipinagmamalaking produkto ang nasabing lalawigan na maihahanay sa produkto na almond at hazelnut. Ito ay ang dry fruit o kasuy (cashew) na matatagpuan ang malawak na plantasyon sa mga bayan ng Roxas, El Nido at Dumaran.
Base sa tala ng Bureau of Agricultural Statistics, lumilitaw na may 3.1 milyong puno ng kasuy na nakakalat sa 20 bayan sa Palawan. Ika-6 ang Filipinas sa pinakamalakas na nag-aangkat ng kasuy sa ibang bansa kung saan ang Nigeria at India ang may pinakamalaking produksiyon nito.
Naging palaisipan ang bugtong na “Prinsesang nakaupo sa tasa”, ito ay ang kasuy na tinawag na gintong prutas na nasa Palawan.
Subalit, karamihan sa mga nagnenegosyo ng kasuy ay walang kaukulang papeles o business permit partikular na sa bayan ng Roxas.
Sinasabing dalawa lamang sa 20 na nagnenegosyo ng kasuy sa Sitio Banban sa Barangay San Miguel, bayan ng Roxas ang sumusunod sa alituntunin ng pagnenegosyo.
Milyong halaga ng buwis mula sa negosyong kasuy ang nawawala sa kaban ng bayan dahil kolorum. Base sa tala, ang Palawan na tinaguriang kasuy capital ng bansa ay pangunahing dry fruit na may matigas na shell at ikatlo sa buong mundo na dry fruit kung saan kahanay ng almond at hazelnut ng Middle East at United Kingdom.
Karamihan sa mga banyaga at local na turista na bumisita sa Palawan ay dumarayo pa sa bayan ng Roxas upang bumili ng mga produktong kasuy. Bukod sa mas mababa ang presyo ay ginagarantiyahang bagong hango ito.
Nagsisimulang anihin ang kasuy pagsapit ng Abril hanggang Mayo ng taon kung saan umaalingasaw na ang mabangong aroma nito mula sa 28,600 ektaryang plantasyon.
Isa sa pinupuntahan ng mga turista ay ang Nanette Kasuy products sa Barangay San Miguel sa nabanggit na bayan.
Kabilang sa produkto ng kasuy sa Palawan ay ang dry fruit na sinangkapan ng asin (salted), chocolate-coated na kasuy, cakes, otap, tarts at marami pang iba.
Karamihan sa produktong kasuy na nabibili sa market mall o pasalubong center ay hinati sa gitna kaysa buong kasuy. Sa mga negosyante ng kasuy sa Palawan ay may kanya-kanyang pinagdadalhan ng malalaking kompanya sa Maynila.
Dahil na rin sa kakulangan ng makabagong teknolohiya at kaalaman para mas lalong mapaangat ang industriya ng kasuy partikular sa pananalapi para sa panahon ng anihan ay nananatili pa rin ang produksiyon ng kasuy sa bansa.
Karamihang magsasaka sa Palawan ay hirap na maibenta sa mga local na ahente ang inaning dry fruit (kasuy) sa mas mataas na presyo. Sakaling maturuan sa pagsasanay ang mga magsasaka sa tamang proseso ng kasuy mula sa dry fruit ay mas mataas na presyo ang kanilang income.
Base na rin sa tala ng Food and Agriculture Organization ng bansa, umaabot sa 170,853 toneladang produksiyon ng kasuy kada taon mula sa ekta-ektaryang plantasyon sa Palawan pa lamang.
Sa pag-aaral at pananaliksik ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) na nakabase sa Los Baños, Laguna, lumilitaw na aabot sa 1,124 toneladang raw at na-processed na dry fruit (kasuy) ang na-import ng bansa na may kabuuang halagang US$879,573.00.
Comments are closed.