PRINSIPYO NG MGA TAGA-PARTIDO REPORMA NAWALA

MAHIGIT isang buwan na lamang ang natitira bago ang buong sambayanan ay hahatol kung sino ang gusto nating mamuno sa ating bansa.

Kasama na rito ang ilan pang mga opisyal sa ehekutibo, pati na rin ang mga mambabatas na tutulong umanong hubugin ang kinabukasan ng ating bansa at ng kanyang mga mamamayan.

Dahil sa ating Saligang Batas, maaari tayong magkaroon at magtaguyod ng kani-kanilang partido o mas tinatawag na multi-party system. Ito ay hindi tulad ng ating dating Konstitusyon na dadalawa lamang ang ating political party. Ito ay ang Liberal Party at Nacionalista Party.

Bagama’t ang dalawang nasabing political party ay buhay pa hanggang ngayon, tila natabunan na ang ningning at respeto nito kung saan ang mga pinagpipitagang politiko ng ating bansa, ilang dekada na ang nakararaan, ay tila nakalimutan na sa ating panahon.

Tulad na lang sa nangyayari sa atin ngayon tuwing sasapit ang eleksiyon. May mga nabubuhay, binubuhay at nagtatatag ng kani-kanilang partido politikal upang makabuo lamang ng mga kandidato na maaaring tumakbo sa halalan.

Ang mga prinsipyo at ideolohiya ng mga ito ay hindi nagkakalayo o nagkakaiba. Puros para sa mahirap, reporma, pagtataguyod at pagbangon ng ating ekonomiya. Pare-parehas. Kung minsan nga ang nasabing mga partido ay nakikilala, hindi sa ideolohiya nito kundi sa personalidad ng isang tao na tumatayong presidente o chairman ng nasabing partido.

Ang iba naman ay tatakbong independent at nakikisanib sa ibang political party sa hangad na lumaki at lumakas ang pag-asang manalo sa eleksiyon.

Nitong mga nakalipas na araw, nakita natin ang mga kaganapan sa pagsasanib-puwersa ng mga partido politikal maski na dati ay hindi sukat natin maisip na mangyayari ito. Ang tinutukoy ko ay ang pagsasanib ng puwersa ng Partido Reporma ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ng kampo ni VP Leni Robredo.

Halos nalaglag ako sa aking upuan nang lumabas ang balitang ito. Ano na ang nangyari sa kanilang manok na si Sen. Panfilo Lacson na hinirang bilang chairman ng nasabing partido? Ayon kay Alvarez, sumanib sila kina Robredo dahil mas malakas daw ang pag-asa na siya ay manalo kaysa kay Lacson na ayon sa mga survey ay hindi umaangat sa 5%.

Kaya nga ang tanong ko, nasaan ang prinsipyo ng Partido Reporma?! Matatandaan na si Alvarez ay dating miyembro ng PDP-Laban ni Pangulong Duterte. Isa sa mga matinding taga- depensa ni Duterte si Alvarez. Sa katunayan, panay ang banat niya kay VP Leni, ilang taon na ang nakararaan sa mga pambabatikos niya sa administrasyon na ito. Ngayon ay magkasiping na ang dalawa sa kampanya upang itulak na maging pangulo si Robredo sa nalalapit na halalan.

Hindi naman lahat ng miyembro ng Partido Reporma ay sang-ayon sa hakbang na ginawa ni Alvarez.

Ang mga miyembro na ‘mistah’ ni Lacson ay nanatili ang pagsuporta sa laban nila at umalis sa kanilang partido. Kasama na rito ang dating spokesperson nila na si dating Magdalo Partylist Rep. Ashley Acedillo at iba pang sumusuporta kay Lacson.

Marami pang mga politiko na umanib na rin kay VP Leni na dati ay alam natin ay kaalyado ng administrasyon na ito. Bakit kaya biglang ibinigay nila ang suporta kay VP Leni? Ang teyorya ko diyan ay dahil hindi sila makapuwesto sa kampo nina BBM-Sara. Eh ‘di saan pa sila pupunta? Eh doon sa pumapangalawa sa survey at ito ay si VP Leni.

May nakita ba tayong kilalang politiko na dati ay maka-Duterte na bumalimbing at nagbigay ng suporta kina Mayor Isko Moreno o kay Sen. Pacquiao? Parang wala yata. Dahil alam nila na malayong manalo ang mga ito hindi tulad ni VP Leni.

Kaya walang prinsipyo pagdating sa mga political party sa ating bansa. Isa lang ang mahalaga, kung paano manalo ang isang kandidato atsaka pag-usapan na lang kung ano ang magagawa nila sa loob ng kanilang termino.

Haaaays. Sana na lang ay ang mapili ng sambayanan ay tunay na magbibigay serbisyo publiko upang mapaunlad ang ating bansa.