NANGAKO si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mamadaliin ng Kongreso ang pagbalangkas sa priority bills ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para maipasa sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Speaker Romualdez, “nagawa naming ipasa noong nakaraang session ang 31 sa 42 priority bills ng Pangulo noong unang SONA niya.”
“Kaya I am sure we can pass the President’s priority bills in his 2nd SONA bago matapos itong 2nd regular session namin,” dagdag ni Romualdez.
May 20 priority bills ang Pangulo kabilang ang excise tax sa minsanang paggamit ng mga plastic, pagtatatag ng pension fund ng pulis at militar, pagpapadali sa pagbabayad ng buwis, Immigration Act, Road User’s Tax, at ilan pa.
“If we must work overtime, then io-overtime namin ito kasi budget deliberation season na rin. So parehong mahalaga,” ayon sa lider ng Kongreso.
Kumpiyansa rin ang ilang mga political analyst na maipapasa ang priority bills ng Pangulo dahil hawak ni Romualdez ang halos lahat ng miyembro ng mababang kapulungan o ang ‘super majority.’
Patunay nga raw ang pagpasa ng 31 sa 42 priority bills ni PBBM sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez noong 1st session ng 19th Congress.