NAGWAKAS ang modus operandi ng 34-anyos na Essex County correctional officer at girlfriend nito na sinasabing nagpupuslit ng cellphones at tobacco sa kulungan makaraang arestuhin ng mga awtoridad nitong Martes.
Nahaharap sa kasong extortion under color of official right ang mga akusadong sina Efrin Wade at Yairisa Lizardo, 29-anyos.
Base sa record ng U.S. Attorney Philip Sellinger, si Wade ay naging correctional officer noong 2017 sa Northern State Prison sa Newark bago nalipat sa Essex County noong 2020 kung ssan base sa payroll records ay may salary na $60,304.
Ayon sa federal prosecutors, kinontak ni Wade ang isang FBI informant para magpasok ng cellphones at tobacco sa prison upang ibenta sa mga preso.
Napag-alaman sa FBI informant na si Wade ay may record na nagpupuslit ng illegal items sa nasabing correctional kung saan kinasabwat nito ang kanyang kasintahan na si Lizardo.
Base sa record, nitong Pebrero 1 nagtungo sa parking lot sa Jersey City si Wade para kunin ang mga cellphone at tobacco sa halagang $30K na siyang ibabayad sa FBI informant kapag nagdala pa ito ng maraming items nitong Marso para ipuslit sa nasabing correctional.
Lumilitaw din sa official record na aabot sa $5,000 kada cellphone ang bentahan sa preso kung saan kinasabwat ni Wade ang babaeng prison worker na sinasabing walang alam sa smuggling operation.
Umapela naman sa federal court ang mga akusado kung saan pansamantalang pinalaya sa piyansang US$100K kada isa na unsecured bond.
MHAR BASCO