ISINUSULONG ngayong magkaroon ng privacy ang mga mag-aaral sa online learning upang masigurong walang dayaan at pangongopyang magaganap sa kanilang pag-aaral.
Isang grupo ng mga pampubliko at pribadong paaralan ang nagsuhestyon ng mga guidelines upang matulungan ang mga iskwelahan sa buong bansa na pangalagaan ang privacy rights ng mga mag-aaral sa panahon ng online learning, kahit pa magkaroon uli ng pandemia.
Nagpalabas na ang Data Privacy Council Education Sector (DPCES) ng Advisory No. 2020-01 upang ipaalam ang mga tuntunin para sa sapat na data protection sa pagsasagawa ng online learning at iba pang aktibidades sa mga iskwelahan, iba pang educational institutions, at iba pang stakeholders sa sektor ng edukasyon.
Layon nitong magbigay ng rekomendasyon at polisiya sa online learning. Bawat paaralan at may kani-kanyang paraan upang alamin ang kakayahan ng kanilang mag-aaral, ayon sa advisory.
Idinitalye dito kung paano magagamit ng maayos ang learning management systems (LMS) at online productivity platforms (OPP) — online o offline software para sa pamamahala at implementasyon ng e-learning o online learning.
Nagbibigay din ito ng insight opananaw kung paano magagamit ang iba pang unofficial supporting tools para sa e-learning, ang tamang paggamit ng social media, paglalatala ng impormasyon, storage ng personal data, paggamit ng webcam at pagre-record ng videos sa mga online discussions, online proctoring, at data security.
Sa mga nasabing areas of concerns, sinasabing ang mga webcams ay dapat na optional lamang, depende kung gusto ng magulang o guardian ng mag-aaral, sakaling ang online sessions ay webcam-supported.
Kung minor o wala pa sa edad ang mag-aaral, kailangang hingin ang permiso ng magulang o legal guardian bago magsagawa ng recorded classes or sessions, ayon din sa advisory.
Nakasaad din sa advisory na ang personal data ng mag-aaral, kasama na ang resulta ng kanyang examinations, assignments at nakuhang grades, ay dapat makita lamang ng intended recipients yulad ng magulang at guardian.
Binalaan din ang mga iskwelahan tungkol sa paggamit ng social media, at binigyang diin na ang pagsi-share ng personal data, tulad ng mga larawan o video ng mga mag-aaral, ay dapat na may “legitimate purpose.”
Ayon naman kay National Privacy Commission chairman Raymund Liboro, suportado nila ang nasabing DPCES advisory. Naniniwala umano silang dapat sumunod ang online learning sa Data Privacy Law tulad ng iba pang dumaraan din sa online.
Dagdag pa niya, dapat pumili ang mga educational institutions ng tamang online learning platform na may pinakamabuting security features at sapat ang kakayahan upang mapangalagaan ng privacy ng mga mag-aaral. Ang pinakamagandang platform umano ay dapat na makasunod sa requirements ng Data Privacy Act. NLVN