PRIVATE MEDICAL CLINICS O PUBLIC HOSPITALS?

Kung usapang healthcare, natural, seryoso ito, lalo na kung kaila­ngang na-confine sa hospital. Para sa tulad kong may health care benefits, pipiliin ko ang private hospitals na accredi­ted ng health card ko. Ngunit sa mga walang ganitong benepisyo, alin ba ang dapat — private clinic o public clinic? Iisa-isahin natin ang advantages at disadvantages.

Sa advantages ng privately established medical clinics, mas accessible ito. Mas personalized ang kanilang serbisyo at mas madalas ang dalaw ng duktor — dahil bawat dalaw, may bayad. Madalas din ang dating ng nurse para i-monitor ang vitals mo dahil kasama yon sa package deal ng private room na binabayaran mo na hindi bababa sa P3000 daily. Come to think of it, kung tatlong araw ka ma-confine, humigit-kumulang sa P50,000 ang babayaran mo kung walang surgery at ICU. Mas mahal kasi ang daily fee sa ICU

Yet, may intimate patient-physician relationship sa private hospitals. May personalized care din, kung saan mas matagal nagkaka-usap ang duktor at pasyente kaya napapag-usapan ang unique medical history, concerns, and aspirations. Nagkakaroon din ng tiwala at sense of security ang pasyente sa duktor, na mahalaga sa holistic healthcare.

Okay rin ang private hospitals sa mas mabilis na service delivery — basta may pambayad ang pasyente. Hindi masyadong ma­tagal ang waiting time sa check-up dahil may schedule, efficient ang appointment scheduling, at mabilis ang access sa diagnostic tests at specialist consultations.

May tinatawag din silang Tailored Services and Specializations. Yung flexibility to specialize in specific medical fields. Kung ano ang sakit mo, doon ka irerekomenda. Again, kung may pambayad ka.

Sa disadvantage ng private hospitals, iisa lang yan. Kung may pambayad ka. Kung wala, doon tayo syempre sa public hospitals.

Believe it or not, marami tayong public hospitals na maipagmamalaki. May Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Kidney Center of the Philippines, Orthopedic Medical Center of the Philippines to name a few topnotch public hospitals na pwedeng makipagsabayan sa Makati Medical Center at Saint Luke’s Medical Center Global City at iba pang magagandang ospital sa buong Asia.

Kahit sa Mindanao, meron tayong Southern Philippines Medical Center (SPMC). Ito Ang largest government hospital na pinamamahalaan ng Department of Health (DOH). Located ito sa Davao City. May iba pang first rate public hospitals din tulad ng East Avenue Medical Center at Philippine General Hospital. Actually, mayroon tayong 721 public hospitals na pagpipilian sa buong Pilipinas. Kulang, yes, sa laki ng populasyon sa bansa na 117.3 million, pero sapat na rin kung isasama ang mga Regional Health Units, Super Health Cen­ters, at barangay health cen­ters. Hindi naman lahat ng sakit kailangang hospital. Besides, mayroong Philhealth at MALASAKIT na pwedeng hingan ng tulong kung kapos sa pera, pwera pa sa PCSO.

Kung tutuusin, kahit pa totoong kulang ang libreng health care sa Pilipinas, kumpara sa United States, mas okay tayo. Sa US kasi, kahit public hospitals may bayad. Sa atin, may libreng gamot pa. Ang bibilhin mo lang ay yung wala sa pharmacy nila. Nine years ago, na-confine ang Lolo ko ng two weeks sa Rizal Medical Center Pasig — terminal pancreatic cancer. Wala kaming binayaran kahit piso, conside­ring na walang tigil ang dextrose, monitoring at gamot.

Sa Lola ko namang nagkaroon ng bone cancer 22 years ago na na-confine sa Philippines Orthopedic, kahit kumuha kami ng private room para sa kanya for one month, hindi pa rin maikukumpra ang laki ng nagastos namin sa Saint Luke’s Medical Center ng isang linggo lang sa parehong pasyente at pareho ring sakit. Service wise, halos pareho lang. Nagkakaiba lang sa hospital food at ganda ng hospital room.

Sa disadvantage sa pagpili ng public hospital, kailangang pumila ka dahil maraming na­ngangailangan ng libreng serbisyo. At kung minsan, walang available na ward kaya doon ka muna sa corridor hanggang walang room. At ang bantay nga pala, walang maayos na matutulugan. Minsan, pwede lang maglatag ng kariton sa sahig.

Kayo na ang mamili — health nyo naman ang usapan dito. Kung may pambayad o may health card, pwedeng private hospitals. Kung wala, pwedeng mag-settle sa public hospitals.

JAYZL NEBRE