PRIVATE SCHOOLS LIGTAS NA SA POSIBLENG PAGBAGSAK DAHIL SA RA 11635

SA WAKAS, ligtas na sa muntikang pagbagsak ang mga pribadong paaralan dahil pirmado na at ganap nang batas ang ating panukalang pag-amyenda sa isang probisyong nilalaman ng National Internal Revenue Code of 1997. Ito ay may kinalaman sa preferential tax rate sa private schools sa bansa.

Mababatid po na isinabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11635 nitong Disyembre 10, 2021 at sa pamamagitan nito, mananatiling buhay ang private schools na talagang tinamaan nang husto dahil sa pandemya. Nilinaw ng batas na ito ang preferential tax treatment na iginagawad sa private schools at dahil dito, ligtas na sila sa muntikang pagsasara.

Sa ilalim ng naturang batas, ibinaba ang preferential tax rate sa privater schools sa one percent mula sa dating 10 percent.

Sa totoo lang, malaking bagay ito sa mga pribadong paaralan dahil isa itong pagkilala sa kanilang kontribusyon bilang private sector educators na katulong ng ating pamahalaan sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.

Nililinaw po ng batas na ito na ang isang “proprietary educational institution” ay isang pribadong paaralan na minamantine o pinatatakbo ng mga pribadong indibiduwal, o grupo, at may kaukulang permiso mula sa Department of Education o sa Commission on Higher Education o sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Bilang pangunahing awtor po ng batas na ito, siniguro po natin na mabibigyang linaw ang nilalaman ng Sec. 27 (B) ng NIRC patungkol sa ipinapataw na preferential tax rate sa proprietary educational institutions, gayundin sa mga nonprofit hospital. Dito kasi talaga nagkakaroon ng pagkalito.

Alam n’yo po, mahigit 50 taon na ang ipinatutupad na tax rate sa private schools ay 10 percent. Pero noong pumasa po ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE noong Marso 2021, ibinaba po ang tax rate na ‘yan sa one (1) percent na lang at ipatutupad ito hanggang Hunyo 30, 2023.

Ang problema, nagkamali ang BIR sa interpretasyon nila sa probisyong nilalaman ng CREATE. Ang interpretasyon nila base sa ipinalabas nilang Revenue Regulation No. 5, ang isang educational institution ay kailangang parehong proprietary at non-profit para maging kwalipikado sa mas pinababang tax rate.

Ang ibig nilang sabihin, kung hindi proprietary at non-profit ang pribadong eskwelahan, papatawan sila ng regular na tax rate na 25 percent.

Kung ipatutupad natin ang 150 percent tax increase sa mga eskwelahang ‘yan,  para na rin natin silang pinatay diyan dahil libo-libo sa mga empleyado ang tiyak na mawawalan ng trabaho, kasama na ang teachers at mga non-teaching personnel.

Apektado pati ‘yung mga involved sa operasyon ng private schools, tulad ng mga food vendor sa paaralan, mga mananahi ng kanilang uniporme at mga school bus driver. Lahat sila, apektado talaga.

Kaya, nagpapasalamat tayo at isinabatas na ni Pangulong Duterte ang ating panukalang pag-amyenda sa naturang probisyon ng NIRC dahil ligtas na sa posibleng pagsasara ang private schools. Makakahinga na sila nang maluwag at tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo sa ating mga mag-aaral sa pribadong edukasyon.