PRIVATE SCHOOLS, MAGSASARA SA BAN NG “NO PERMIT, NO EXAM POLICY”

NANGANGAMBA ang isang asosasyon ng mga paaralan na maraming pribadong eskuwelahan ang magsasara kung itutuloy o maisasabatas ang panukalang total ban sa “No permit, no Exam policy.

Ayon kay Atty. Kristine Carmina Manaog, spokesperson ng Coordinating Council of Private Educational Associations o COCOPEA, maraming pribadong paaralan ang magsasara ng operasyon kapag naisabatas ang House Bill No.7584 at Senate Bill No.1359 o total ban ng ‘No Permit, No Exam Policy kaya ‘ isaalang-alang ng mga mambabatas ang kapakanan ng mga private school at estudyante upang makamit ang dekalidad na edukasyon.

Tinukoy ni Manaog ang pinakabagong pag-aaral ng COCOPEA sa 27-pribadong paaralan na aabot lamang sa hanggang pitong buwan ang pondo ng private school administrators upang mapatakbo ang kanilang mga paaralan.

Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng COCOPEA na kapag naipatupad ito ay aabot na lamang ng 2-buwan ang pondo ng private schools upang maayos na mapatakbo ang kanilang mga paaralan.

“Sa long term nakakaapekto dahil hindi kaya, if walang regular na pumapasok na pera or funds sa private schools maapektuhan ang quality nito and eventually baka talagang magsara,”paglilinaw ni ni Manaog sa Radio Veritas.

Tiniyak ni Manaog na kahit umiiral ang “No Permit, No Exam policy” ay nagbibigay pa rin ang mga private school ng pagkakataon sa mga estudyante na magbigay ng ‘promissory note’ upang pahintulutang makapagsulit.

“Yung talagang hindi pinapayagang hindi mag-exam na students is very rare and last resort na lang kung talagang very delinquent ‘yung student or parents, but ‘yung kadalasang practice naman talaga is pinapag-exam or pinapayagang mag-exam basta may promissory note,” bahagi pa ng panayam kay Manaog. PAUL ROLDAN